IMG 5869

‘Di Ko Akalaing Aabot Ako Sa Gan’tong Edad

Written by Francis Irvin Gonzales • Illustration by Jian Muyano | 29 September 25

Trigger Warning: Mentions of Self-Harm and Suicide

Hindi ko alam kung kailan ko sinimulang dalhin ang mabigat na pasanin. Sa tagal ng pagpapakasakit, tila sariling katawan ko na ang nagdadala sa’kin paglipas ng araw. Walang alinlangan. Awtomatiko. Autopilot. Tanging iniisip kung ano ang gagawin bukas makalawa. Kung paano malalampasan ang araw-araw na kalbaryo ng pagkabuhay. Kaya’t hindi ko na napagtutuunan ng pansin ang pag-aaral ko, maging pagplanuhan pa ang kinabukasan ko. Paano, hindi ko naman akalaing aabot ako sa ganitong edad.

Sa gabing malalim, naaapuhap ako ng kaginhawaan. Tahimik ang mundo liban ang nasa isip ko. Pagsapit ng gabi, malaya kong nagagalugad ang buhay na ibang-iba sa umaga ko. Masigla kong nasisisid ang sariling kaisipan, hungkag ng pasakit na dala ng reyalidad. Nababalikan ang nakaraan, pag-iisipan ng kung anong magagawa mabago lamang ito. Sa ilalim ng malamlam na sinag ng buwan nakaaalpas ako sa katotohanang dala ng bukang-liwayway. Naging kanlungan ko ang mga mapagkunwaring buhay na ito, kung saan hinahayaan kong maligaw ang sarili ko.

Sabi nila, naging mabuti akong kaibigan sa mga panahong ito. Gayunpaman, malabo ang mga alaala ko sa pagdaan ng mga araw. Siguro, sa kanila ko naipamalas ang kabaitang ipinagkait ko sa sarili kong katauhan. Ang pagpapatawad na ipinagdamot ko sa sarili kong isipan. Naging sapat naman ako, ang mga karanasan ko, ang mga pagkakamali ko. Naikitil ko lang sa isipan ko na sa paglagak ng mga aligho ay katapusan na ng lahat.

Hindi ko naman gustong lisanin ang mundong ito. Ni minsan, hindi sumapit sa isipan kong gilitan ang sarili kong braso (umiiyak ako sa pagsipat sa sarili kong dugo)–o kaya’y umakyat ng pagkataas-taas na gusali at humakbang ng isa pang beses pagdating sa tuktok (takot ako sa matataas na lugar). Ngunit, may mga gabing hindi ko maiwasang isipin kung anong kaginhawaan ang bubungad sa akin kapag natapos na ang lahat. Makikita ko kaya ang kaalwanang nararamdaman ko lang sa madaling araw?

Habang dinadala ako ng katawan ko sa susunod na araw, nakikita ko ang buhay ng mga nasa paligid ko. Ang mga tinderang umaasa na sana’y maraming benta. Ang mga halamang naghihintay ng pagdilig ng tagapangalaga nila. Ang mga batang sabik pumasok sa eskuwela at makita ang kanilang kaibigan. Nainggit ako. Hindi ko na maalala kung kailan ko huling nakita ang parehong sigla sa salamin.

Hindi ko napansin, ang parehong maliliit na bagay na inuusisa ko kada araw ang nagpapanatili sa ulirat ko. Panibagong kaibigan. Susunod na diskusyon sa silid-aralan. Naghihintay na pagkain sa hapag. Hanggang sa isang araw, napagtanto kong hindi ko nga gustong mamatay. Hindi ko lang gusto ang kinagisnan kong buhay.

Patuloy pa rin akong naghahanap ng kaalwanan sa katahimikan ng gabi. Bagamat kathang-isip lamang ay binubulabog pa rin ako ng mga ibang bersyon ng buhay ko, nahuhupa sa aking isipan ang mabigat na katotohanan ng mundo. Ngunit, sa paglipas ng panahon, naging magaan ang pasanin ko. Sa bawat hapunan, pagsusulit, at paglalakad, nasusustentuhan ang lakas ko para sa susunod na araw. Sa bawat araw na tinatahak ko ang buhay nang walang kasiguraduhan, napupuno ang pagkasabik kong malaman ang dala ng hinaharap. Kaunting pasasalamat na hindi ko pinulot ang patalim, na hindi ako humakbang nang isa pang beses. Hindi ko man inakala na aabot ako sa ganitong edad… ngunit, wala namang tunay na nakakaalam ‘di ba?