M204 - 062126 - Ang Tatay kong Apologist

Ang Tatay kong Apologist

Written by Jan Rennie Abat • Board by Miaka Byonne Cha | 21 June 26

Mabuting tatay si Papa. Hindi ko kailanman kinuwestiyon iyon. Siya ang tipo ng lalaking kayang buhatin ang buong pamilya sa sariling dugo't pawis. Walang reklamo. Walang pagdadamot. Walang hinihinging kapalit. Sa kaniya ko unang nakita kung ano ang ibig sabihin ng pagiging responsable, ng pagsasakripisyo, ng pagmamahal na hindi kailangang ipagsigawan para maramdaman.

Kaya naman ganon na lamang ang aking pagtataka kung bakit ang aming matatag na haligi ng tahanan ay nag-iiba kapag politika na ang usapan.

Hindi ko mawari kung paano niya nagagawang kampihan ang mga pulitikong napakadaling labagin ang karapatang pantao. Mula sa kanyang pananaw tungkol sa kasaysayan ng mga Marcos hanggang sa kasalukuyang mga kontrobersiya ng mga Duterte at kanilang mga kaalyado, patuloy niya silang ipinagtatanggol.

Sa tuwing susubukan ko siyang gisingin sa katotohanan, para bang lagi niyang nababaligtad ang naratibo.

“Mabuti pa noong panahon ni Marcos, napakayaman ng Pilipinas.”

“Tignan mo ang administrasyon ni Duterte, napakapayapa.”

“Kung ano-ano nanaman ang pinaglalaban ng pinklawan.”

Sa aking panig, ako’y naglalatag ng datos, inilalahad ang kwento ng mga nasawi, at umaasang baka magbago ang isip niya. Ngunit habang tumatagal, natutunan kong mahirap makipagtalo sa isang apologist… at mas mahirap makipagtalo sa sarili mong ama. Unti-unti, namuo ang galit sa aking puso. Hindi ko namamalayang lumalaki na ang distansya sa aming dalawa.

Hindi ko na siya makilala.

Gustuhin ko man siyang lapitan muli ay pakiramdam ko’y napakalayo na niya para abutin. Sa aking isipan, siguro nga ay hindi na kami magkakasundo pa sa politika. Isang posibilidad na napakahirap tanggapin dahil sa kaibuturan ng aking isipan, alam kong higit pa siya sa kanyang pinaniniwalaan.

Bago maging isang “apologist,” siya muna ang aking ama na nagturo sa akin ng tama at mali. Siya muna ang unang nagturo sa akin magbisikleta, ang tahimik na nagdadala ng mabibigat na pinamili para hindi na kami mahirapan, at ang laging nagsasabing, “Ako na ang bahala diyan,” kahit alam kong pagod na pagod na siya.

At ako? Ako ay anak pa rin naman niya. Anak na nasasaktan kapag hindi kami magkaintindihan. Iyong gustong manalo sa argumento, pero mas gustong maibalik ang dating lambing sa mga simpleng usapan sa hapag-kainan.

Gusto ko lang naman siyang yakapin at batiin ng, “Happy Father’s Day, Pa! Salamat sa lahat.” At nawa’y maalala naming dalawa kung sino kami bago pa kami pinaghiwalay ng magkaibang pananaw sa politika.