Ang Paglitaw ng Matingkad na Bahaghari
Written by Jamilla Marie Matias • Board by Angelle Valbuena | 19 June 24
Lumaki ako sa isang silid na may samu’t saring kulay. Tila ba isa akong bahagharing mahiyain, nakatago sa mga ulap sa himpapawid. Bagamat tago, masaya pa rin naman akong namamalagi rito. Ngunit, may katanungang patuloy na umiinog sa aking isipan — makulay pa rin kayang mamuhay sa labas ng mga kaulapan kung maraming tumutuligsa sa sarili kong pamantayan?
Paslit pa lamang ako, batid ko nang may kakaiba sa akin. Sapagkat hindi katulad ng pasubali ng iba, may kagustuhan akong taliwas sa kanilang paniniwala. Minsan kong sinubok ihayag ang pagsalungat sa kanilang kinagisnan ngunit panghuhusga at panunuya lamang ang aking nakuha. Nakakatakot—tila ba isa akong salot. Parang may kapansanang hindi madadala ng kahit anong gamot. Kung kaya’t naisipan ko na lamang lumagi sa isang sulok.
Sa pananalagi ko sa loob ng tila aparador na silid, dinig ko ang mga panaghoy at pagtangis. Nasaksihan ko ang iba’t ibang karahasan, biktima ang ‘sang kabaklaan. Puno ng diskriminasyon, wala raw kaming mapupuntahang destinasyon. Walang lugar sa tahanan ng lumikha ng langit at lupa, maging sa lipunang patuloy kaming kinukutsa. Dahil sa pakiwari na malaking kasalanan ang hindi tumalima sa nakasanayang alituntunin ng mala-santong madla. Isang pagkakamali na dapat tuwidin. Gawi ng mga baliko’y hindi dapat tangkilikin.
Subalit, itanggi man nang paulit-ulit; ikubli man nang maraming beses, ang bahagharing gaya ko’y lilitaw rin. Sa dami ng pag-ulang naranasan, may araw ring darating. Kung saan ang mga ulap ay magiging pakpak, lilipad ako sa alapaap bitbit ang giting at tapang. May kumpiyansa sa sarili, ihahayag ang pagkatao kong may matayog na pangarap. Haharapin kung ano mang bagyo ang dumating. Sapagkat, aanhin ko nga ba ang papuri ng iba kung bulag ako sa sarili kong katauhan? Kung magiging sunod-sunuran lamang ako sa kung ano man ang idikta ng mapanghusgang lipunan?
Ang pagladlad ko’y katapusan ng katahimikan. Pagwawakas na maituturing kong bagong simula. Ito’y kalayaan na kay tagal kong nang hinihintay. Marahil isang tagumpay mula sa aming hanay. Sawa na ‘kong magbalat kayo! Ayoko na magtago sa kaanyuan ng hindi ko naman ginusto. Mula sa araw na ito, yayakapin na nang buong-buo; pipiliin na ang sarili; panghuhusga ng iba ay aking isasantabi. ‘Pagkat ano’t sino man ako, lagi naman silang may hindi magandang nasasabi. Kung kaya’y hindi na mahihiya, isisiwalat na kung sino ako sa madla. Dahil ang paglitaw ko ay simbolo ng matingkad na bahaghari — namumukadkad ang kulay at may pag-asang taglay.
Masarap din pa lang mabuhay ng ganito. Walang iniisip na pagkukunwari. Malaya ang puso at isip. Hindi pigil ang emosyon. Hindi na nakakulong sa kung saan lamang sang-ayon ang lipunan buhat ng limitasyong sa ami’y kinahon. Subalit batid kong malayo pa ang lalakbayin ng aming hanay. Kaya’t hiling ng puso’y pumanig na sa amin ang ihip ng panahon — isakatuparan na marahil ang batas na sa amin ay nararapat. Dahil bahagi man ng bahaghari, kami’y tao rin. Makasalanan man kung ituring, ang pagwawalang-hiya sa mga bading ay karahasan din.
At sa mga kapwa ko bading, ating ibandera ang matingkad na kulay sapagka’t tayo’y natatangi — pinamamayanihan ng katapangan sa lipunang puno ng pangkakahon; ng mga matang mapanghusga’t lipos sa diskriminasyon. Ipaglaban ang sa ati’y ipinagkakait at isigaw ang ating karapatan; ang kagandahan ng ating bahaghari.
Isang pagbati ng maligayang buwan ng pride, aking kapwa mandirigma!