lathalain

Yumayabong na Tech Community: Oportunidad para sa lahat

Written by Vince Villanueva • Board by Jian Muyano | 17 May 25

Kasabay ng patuloy na pagsulong ng makabagong teknolohiya at ng mabilisang pagyakap ng lipunan sa mga digital na inobasyon, higit ding lumalawak ang mga oportunidad para sa mga Haribon sa loob ng Pamantasan. Sa unahan ng mga inisyatibong ito ay ang tatlong organisasyong nangunguna sa pagtataguyod ng kaalaman at kasanayan sa larangan ng teknolohiya: ang Google Developer Student Clubs PLM (GDSC PLM), Amazon Web Services Cloud Club Haribon (AWSCC – Haribon), at Microsoft Student Community PLM (MSC PLM).

Noong nakaraang Enero 20, naglabas muli ng listahan ang Pamantasan ng Lungsod ng Maynila Office of Student Development and Services (OSDS) ng mga organisasyon ngayong akademiko at dalawa rito ay mga bagong organisasyong na magiging bahagi ng yumayabong na komunidad para sa teknolohiya.

Sa loob ng ilang taon, ang komunidad para sa teknolohiya sa PLM ay patuloy na lumalawak. Mula sa nag-iisang tech organization mula noong 2019, ngayon ay may tatlong aktibong organisasyong nagbibigay ng oportunidad sa mga Haribons upang matuto, makilahok, at umunlad sa larangan ng teknolohiya.

𝐌𝐢𝐜𝐫𝐨𝐬𝐨𝐟𝐭 𝐒𝐭𝐮𝐝𝐞𝐧𝐭 𝐂𝐨𝐦𝐦𝐮𝐧𝐢𝐭𝐲: 𝐏𝐚𝐠𝐛𝐚𝐛𝐚𝐥𝐢𝐤 𝐚𝐭 𝐁𝐚𝐠𝐨𝐧𝐠 𝐒𝐢𝐦𝐮𝐥𝐚

Isa sa dalawang bagong organisasyon ay ang Microsoft Student Community PLM. Noong 2018 huling namayagpag ang MSC PLM dahil ito’y bahagi pa ng isang programa ng Microsoft na Microsoft Student Partner Program kung saan mas nakatuon ito sa pagiging katuwang ng mga administrasyon ng unibersidad at hindi ganoon sa mga estudyante dahilan upang ito’y mawala.

Ayon kay Ryan Gabriel Magno, Chief Executive Officer ng MSC, ang organisasyon ay muling naitatag upang ipagpatuloy ang naumpisahang adhikain ng Microsoft sa PLM. Sa panibagong programa na Microsoft Learn Student Ambassador na isang global initiative ng Microsoft na bumuo ng mga komunidad ng mga estudyante, nabigyan ng pagkakataon si Magno na maging Ambassador at maging katawan ng PLM na mag-implementa ng mga programa at proyekto.

"The re-establishment of MSC is my initiative and when I am thinking building this, wala akong idea na existing na ito before. Nagkaroon ako ng capability because I onboarded as Microsoft Learn Student Ambassador. Doon nag-grow yung passion ko helping the community” ani Magno.

Ayon sa MSC, may tatlong silang pangunahing misyon—- pag-isahin ang mga estudyante mula sa iba’t ibang larangan, pagkakaroon ng mentorship at technical skills, at hikayatin sila na magsikap pa lalo— upang mas magkaroon ng mas inklusibong tech community, pamamahagi ng mga Microsoft tools tulad ng Azure, Microsoft 365, at pagbibigay ng oportunidad na magkaroon ng Microsoft certifications.

Bukod sa mga ito, MSC ay nakikipag-partner sa iba’t ibang organisasyon tulad ng Data Engineering Pilipinas at Microsoft Student Ambassadors Philippines upang mapalawak ang kanilang koneksyon at maibigay ang pinakamahusay na oportunidad sa mga miyembro nito.

𝐀𝐖𝐒 𝐂𝐥𝐨𝐮𝐝 𝐂𝐥𝐮𝐛 𝐇𝐚𝐫𝐢𝐛𝐨𝐧: 𝐏𝐚𝐠𝐥𝐢𝐩𝐚𝐝 𝐩𝐚𝐭𝐮𝐧𝐠𝐨 𝐬𝐚 𝐦𝐚𝐬 𝐦𝐚𝐫𝐚𝐦𝐢𝐧𝐠 𝐩𝐚𝐧𝐠𝐚𝐫𝐚𝐩

Ang isa pa sa pinakabagong organisasyon ay ang Amazon Web Services Cloud Club Haribon. Isa ang Amazon Web Services (AWS) sa mga kilalang service provider na mas tumutuon sa pagtuturo ng cloud computing at isa sa mga programa nila ay ang mga Cloud Clubs, mga student-led communities na sinusuportahan ng cloud service providers gaya ng Amazon Web Services (AWS). Layunin ng mga clubs na ito ang magturo, magbahagi, at magtaguyod ng kaalaman sa cloud computing, machine learning, at iba pang makabagong teknolohiya sa mga estudyante sa isang unibersidad.

Ayon kay Luis Maverick Gabriel, Captain ng AWS Cloud Club Haribon, isa sa mga rason na nakita niya dahilan upang itatag ang organisasyon ay buhat ng mga limitadong resources noon sa Pamantasan kung kaya’t ginamit niya itong motibasyon upang mag-explore at palawakin ang pwedeng ihandog para sa mga Haribon.

“First year ako noon at hindi itinuturo yung mga gusto ko. Bahagi rin ako ng isang org kung saan naging Volunteer at Lead ako subalit personally, naranasan ko mag-struggle dahil marami akong gustong iexplore pero sobrang limited lang ang itinuturo sa school. Napasama ako sa isang event ng AWS and nakita ko yung mga passionate tech people na gusto rin magturo ng mga kapwa students. Doon nagstart curiosity ko na mag-explore, build more and more resources.” ani ni Gabriel.

Sa katunayan, malaki ang suportang natatanggap ng AWS Cloud Clubs Haribon mula sa AWS mismo at sa mga propesyonal sa industriya. Ito ang rason upang makapagsimula ang organisasyon ng mga seminar at workshop patungkol sa cloud computing, machine learning, pagkakaroon ng bootcamps, makasali sa mga kompetisyon at hackathons, at magkaroon ng mga AWS certifications.

Isa sa pinagmamalaki ni Gabriel ay ang patuloy na pagkatuto ng mga miyembro ng kanilang organisasyon. Sa katunayan, marami na sa mga miyembro ay nakapasa na ng mga AWS Certifications sa kabila ng pagsisimula palang ng organisasyon. Ang AWS Certifications ay patunay na may sapat na kaalaman at kasanayan ang isang indibidwal sa paggamit ng AWS technologies. Bukod dito, nagbubukas din ito ng mas malawak na career opportunities sa mga posisyong tulad ng Cloud Engineer, DevOps Engineer, at marami pang iba. At ngayon, isa sa kaniyang layunin ay makilala na rin sa loob ng Pamantasan bilang isang ganap at bagong organisasyon.

“Gusto naming bumuo ng isang komunidad kung saan lahat ay may oportunidad na matuto at lumago. Ma-build din yung community, masimulan yung foundation ng organization at magkaroon ng resources para sa mga susunod na maglelead nito," dagdag ni Gabriel.

𝐆𝐨𝐨𝐠𝐥𝐞 𝐃𝐞𝐯𝐞𝐥𝐨𝐩𝐞𝐫 𝐒𝐭𝐮𝐝𝐞𝐧𝐭 𝐂𝐥𝐮𝐛𝐬 𝐏𝐋𝐌: 𝐎𝐩𝐨𝐫𝐭𝐮𝐧𝐢𝐝𝐚𝐝 𝐧𝐨𝐨𝐧 𝐡𝐚𝐧𝐠𝐠𝐚𝐧𝐠 𝐧𝐠𝐚𝐲𝐨𝐧

Sa kabilang banda naman, isa ang Google Developer Student Clubs PLM sa mga organisasyong kinikilala na sa Pamantasan noong pang 2020. Malaki ang naging ambag ng organisasyon sa pagpapakilala ng teknolohiya at pagkakaroon ng mga aktibidad at proyektong nagbibigay oportunidad hindi lamang sa mga tech-related na kurso bagkus para sa lahat.

Isa sa mga patok nilang proyekto ay ang kakatapos lamang na Innolympics 2025 na dinaluhan ng mga kalahok mula sa iba’t ibang unibersidad upang magtagisan ng husay at talino sa pagbuo ng solusyon na tumatalakay sa mga Sustainable Development Goals (SDGs). Nagsasagawa rin sila ng samu’t saring study jams na siyang nagbibigay ng on-hands experiences tulad ng UI/UX at sa Cloud Computing. Isa ring proyekto ng GDSC na nakatutulong sa mga non-tech courses ay ang Ready, Set, Grow na isang job fair para sa lahat ng Haribons kung saan dinadaluhan ng maraming graduating na Haribons mula sa iba’t ibang kurso sa Pamantasan upang maghanap ng oportunidad at trabaho.

Gayunpaman, may mensahe ang bawat organisasyon para sa mga interesadong maging kabahagi nila kahit na hindi sapat ang kanilang karanasan at kaalaman.

“To be part of MSC, we will always be here for their growth, we will always back them up. Opportunity to connect and widen of course yung network. Since want natin na magrow sila, we are also excited to see paano maggrow din yung MSC. And continue to inspire and have the fire of giving back.” ani ni Magno mula sa MSC.

Para naman kay Gabriel ng AWS Cloud Clubs Haribon, “Magiging mindset ko is to don't limit yourself, there are people na if they feel overwhelm, binababa nila self esteem nila. Hindi lang nila alam na they have their abilities if they put their mind to it. Maraming tao ang willing to help for them”.

Ang pagyabong ng tech organizations sa PLM ay patunay na patuloy na lumalawak ang oportunidad para sa mga estudyante sa larangan ng teknolohiya. Sa pamamagitan ng MSC, AWS Cloud Club Haribon, at GDSC, mas maraming Haribon ngayon ang nabibigyan ng pagkakataong matuto, lumago, at magtagumpay sa industriyang ito. Hindi lamang ito tungkol sa pagsali sa isang organisasyon—ito ay tungkol sa pagbubuo ng isang mas matibay at konektadong tech community na magdadala sa mas maraming oportunidad sa mga susunod pang taon.