Tool-AI o Pil-AI? Papel ng AI sa Pag-angat ng Wikang Pambansa
Written by Francis Garra Gonzales • Board by Jabiel Baliton | 26 August 26
Tila magkakatugmang isinusulong ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan ang paggamit ng Artificial Intelligence (AI) sa pang-araw-araw na pamumuhay. Mula sa sining at komersiyo, hanggang sa pananaliksik at edukasyon, pawang kabuteng sumusulpot kung saan-saan ang AI sa dami nitong “aplikasyon.” Isa na ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) sa mga nagsusulong sa paggamit ng AI sa kanilang tungkulin sa pananaliksik sa mga wikang Filipino at katutubo. Pinopostura ng Komisyon ang AI bilang “makabagong” kasangkapan sa tungkulin ng ahensiya: panatilihin, itaguyod, at ipagpatuloy ang wikang Filipino. Sa kontrobersiyang pumapalibot sa usapin ng AI, hindi maiwasang mag-alinlangan sa inisiyatibong ito ng komisyon: ang AI ba ay magsisilbing tool-AI sa hangarin ng ahensiya o pipil-AI sa tungkulin nito?
Nang pormal na inilunsad ng Komisyon sa Wikang Filipino ang maagang pagsisimula ng Buwan ng Wikang Pambansa sa isinagawang press launch noong Hulyo 23, binigyang-diin ng mga komisyoner ang pagsabay ng mga Pilipino sa daloy ng pag-unlad ng teknolohiya, partikular na ang paggamit ng Artificial Intelligence (AI) sa pagsalin, pagpreserba, at pag-iimbak ng mga lokal at katutubong wika.
Para sa isang bansang pinagpupunyagi ang humigit-kumulang 180 wika, isang malaking suliranin ang pagyamanin at ingatan ang wikang nagbubuklod sa mga komunidad. Sa pangunguna ng mga komisyoner ng ahensiya, binalangkas ang mga kaparaanang mapaglalangkapan ng AI sa kanilang mandato, tungo sa pagsalba sa mga nanganganib na katutubong wikang matagal nang nasa peligro.
Wikang Buhay, Wikang Patay
Pinaparatangan na mas masahol pa sa hayop at malansang isda ang isang taong hindi marunong magmahal sa sariling wika. Ngunit ano ang tawag sa isang bayang unti-unti nang binubura ang mga wikang ito? Ayon sa KWF, sa tinatayang 135 katutubong wika sa bansa, 40 rito ang nanganganib maglaho. Pinaiigting ng napipintong bantang ito ang mandato ng komisyon–ang maging repositoryo ng mga wika ng Pilipinas at itaguyod ang pamanang kultura ng bansa.
Kung kaya’t anong hanap na lamang ng mga makabagong teknolohiya, tulad ng AI, upang maitaguyod ang tungkulin ng komisyon. O, kahit papaano, ito ang pinapahayag ng KWF sa pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa. Binigyang-diin sa press launch ang paggamit ng mga mobile application o onlayn na platapormang sinusuportahan ng AI bilang kaparaanan para sa mga pangkat-etniko na maging aktibong kalahok sa pagpapanatili ng kanilang wika sa tinatawag na buhay na diksiyonaryo o digital archiving.
Itinampok din ang gampanin ng AI sa pagwawasto ng gramatika at paglalathala ng rehiyonal na diyalekto sa tulong ng algoritmo, na dati’y inaabot ng dekada para sa mga lingguwista. Karagdagan pa rito ang paggamit ng mga teknolohiyang nalikha sa tulong ng AI tulad ng natural language processing, AI translation speech models, at AI-driven autonomous speech recognition (ASR), na napatunayang nakakatulong upang makapag-imbento ng teknolohiyang magpepreserba ng saling-dilang kasaysayan ng mga nakatatandang henerasyon at nagsasanay sa kabataan sa kanilang wikang kinagisnan.
Kinikilala ng KWF ang AI bilang isang “penomenong magiging bahagi na ng ating buhay.” Binansagan ang wikang Filipino bilang tulay sa pananaliksik at pag-unlad sa panahon ng AI. Ngunit nilinaw ng komisyon na nakaugat pa rin sa pangangalaga sa wikang pambansa ang paggabay sa teknolohiya–ang mga tagapagsalita ng wika ang namumuno sa pagpreserba nito. Ang AI ay kasangkapan lamang at dapat gamitin nang naaayon sa etika at may paggalang sa katutubong kaalaman.
Kabataan, Makabayan…?
Muli, inaangat ang kabataan bilang pag-asa ng bayan. Sa parehong press launch, kinilala ang mahalagang gampanin ng kabataan bilang kaagapay sa misyon ng Komisyon. Bilang susunod na henerasyon na magpapatuloy sa pagpapayabong ng mga komunidad at kultura ng bansa, kinakailangan ang malalim na pag-unawa sa wika kung saan nakaangkla ang kultura at identidad ng bawat isa.
Sa pagsasalita nina Andrei Clyde Arellano at Kristelle Joyce Adami, kinilala ang mga wikang Filipino at katutubo hindi lamang bilang mga tanyag na pamana, kundi mga yaman na dapat aktibong pangalagaan ng kabataan. Nakilala si Andrei sa kaniyang pagsulat ng kaniyang tesis sa matematika sa wikang Filipino. Ayon sa kaniya, ang mahirap na bahagi ng pagsulat ng tesis ay hindi ang pagsalin nito kundi ang pag-aaral ng mismong pananaliksik.
Habang si Kristelle ay lumikha ng isang onlayn na repositoryo at diksiyonaryo, “Chirin Ivatan,” na naglalaman ng katutubong wika ng Ivatan. Sa paghikayat ni Kristelle na gamitin ang kaniyang software, nagsisilbing tulay bilang pagpapatuloy ng mga katutubong wika ang kaniyang pananaliksik, hindi lamang ng katutubong wika sa Batanes. Dagdag pa niya, bahagi na ng pamantayan ang paggamit ng AI sa paggawa ng software at mainam na gamitin ito bilang kasangkapan upang makasabay sa panahon.
Ngunit ang AI ay bagong salta lamang sa larangan ng kahusayang ipinapamalas ng mga Pilipino. Hindi naging tulay ang AI upang maisakatuparan ang tesis ni Andrei o diksiyonaryo ni Kristelle–ang pagmamahal sa sariling wikang nag-uugnay sa dalawang mananaliksik ang naging tulay. Bagaman tinitingnan na bilang pamantayan ang paggamit ng AI sa iba’t ibang industriya, walang silbi ito kung wala ang likas na talino ng mga taong gagamit nito. At higit na walang saysay ang AI kung wala ang kabataang may mataas na pangarap sa pambansang wika.
Pagbabago, Para Kanino?
Sa pagkampanya ng KWF sa paggamit ng AI sa pananaliksik at pagpreserba ng wika, mahalagang isaalang-alang ang kaakibat nitong epekto sa pangangalaga sa kalikasan at, kalakip nito, ang mga komunidad na mababahala. Ang mga data center, kung saan tumatakbo ang bawat pindot sa mga AI na website at application, ay kumokonsumo ng mas maraming kuryente at malinis na tubig kumpara sa mga karaniwang search engine tulad ng Google o Firefox.
Masasaksihan ngayon ang pandaigdigang pagsulong ng AI at ng mga data center—hindi naiiba rito ang Pilipinas. Nagbabadyang ipatayo ang isang AI Industrial Hub sa ilalim ng inisyatibo ng US sa Pax Silica, isang imprastruktura na higit 1,600 na hektarya ang laki at tinatayang magkokonsumo ng 3 milyong kilowatt ng kuryente at 5 milyong galon ng tubig kada araw. Kinilala rin ang pagpapaalis sa mga lokal at katutubong komunidad sa kanilang mga lupaing ninuno, kabilang na ang humigit-kumulang na 200 pamilya ng Aeta ng Sitio Sapang Kawayan na naninirahan sa pagtatayuang imprastruktura sa Tarlac.
Umani rin ng batikos ang inisyatibong ito mula sa mga politikal na grupo, tulad ng Makabayan Bloc, pagsusuri ng mga propesyonal, at mga netizens tungkol sa mapanganib na epekto ng pagpapatayo ng data center tulad ng makokonsumong enerhiya, masisirang kalikasan, at mapapaalis na mga komunidad. Nauwi sa pagtawag ni Sen. Francis “Kiko” Pangilinan ng pagsisiyasat ng Senado sa inisyatibo, lalo na sa magiging epekto sa komunidad ng katutubo at magsasaka, at likas-yaman ng kalikasan.
Kung gayon, anong silbi ng pagpopostura ng KWF na “makabagong” pagpreserba ng mga lokal at katutubong wika, gayong ang mga masang Pilipino at mga katutubong komunidad ay tumutuligsa sa pag-iral at pagpapalaganap ng AI? Ang mismong paglagak ng AI sa kanilang mga komunidad ang siyang bubura sa mga wikang kanilang pinagsisikapang panatilihin.
Nang tanungin ang KWF sa kanilang pinangasiwaang press launch tungkol sa maaaring pinsala sa mga katutubong komunidad at mga lupain ninuno, ang sagot ni Atty. Marites Barrios-Taran, tagapangulo ng komisyon, ay “nandiyan na ang AI,” at ang magagawa na lamang ng mga Pilipino at mga propesyonal ay matutong gamitin ito nang “etikal.” Iginiit ng komisyon na hindi maiiwan ang mga tao, partikular na ang mga katutubo. Bagkus, mangunguna sa pag-unlad ng wikang Filipino ang paggamit ng AI.
Dinagdag ni Komisyoner Benjamin M. Mendillo, Jr., na kasangkapan lamang ang AI sa tungkulin ng ahensiya. Hindi maitatanggi ang kabalintunaan ng mga kasagutang ito sa pag-endorso ng AI, teknolohiyang makakapinsala sa mga komunidad ng iba’t ibang kultura, bagaman hindi rin maikakaila ang tungkulin ng mga mamamayan sa pagtataguyod ng pambansang wika.
Saan Ilalag-AI?
Ngayong lumalawak ang aplikasyon ng AI, pawang bawat aspeto ng pamumuhay ay kaakibat na nito. Naging kahingian na sa bawat isa ang paglangkap ng AI sa bawat gawain, o malunod sa pagkontra sa agos ng pagbabagong dala ng teknolohiya.
Nagsimula sa simpleng pagsagot ng mga tanong at ngayon maaari nang makapaglikha ng mga imahe at bidyo mula sa wala. Isang pindot, lalabas na agad ang mukha mo na may katawan ng sirena.
Tila umabot na rin ang paggamit ng AI sa pagpreserba ng wika. Ngunit ang katotohanan ay posible lamang ito dahil nagsisilbing daluyan ng mga prompt ang wika. At ngayon, pinoposturang makakaagapay ito sa pagsalba sa mga wikang nanganganib na.
Taliwas sa pinopostura ng mga komisyoner, hindi AI ang “nandiyan na” sa ating lipunan. Ang matagal nang nandiyan ay ang wika: ang wika ng iba’t ibang komunidad, tribo, at rehiyon. Ang matagal nang umaalalay sa daluyan ng komunikasyon, kalakalan, at kultura. Ang wika na sumabay sa pagbabago ng panahon at umaayon sa kapaligiran nito, hindi namiminsala o naninira.
Kung gayon, ang hamon sa mga kabataan at mga propesyonal ngayon ay suungin ang unos ng “makabagong teknolohiya” habang itinataas ang pambansang wika. Ang pagsusuri ay hindi lamang kung paano kumandihin ang mga inobasyong ito, kundi pati na rin ang pagsiyasat kung ang pag-iral ng mga ito sa umpisa ay makatarungan.