Susunod na Henerasyon sa Pagtanggal ng Wika sa Edukasyon
Written by Francis Irvin Gonzales • Illustration by Krystal Arianna Puzon | 30 August 25
Sa Pilipinas, kung saan mayroong kani-kaniyang wika ang bawat rehiyon at samu’t saring dayalekto ang bawat lalawigan, patuloy na nagbabago ang wikang sinasalita at isinasabuhay. Mula sa wikang sinasalita ng partikular na komunidad, tulad ng gay lingo, hanggang sa pang-araw-araw na kolokyal na pananalitang naiimpluwensiyahan ng mga bago at uso, mayaman ang wika ng makabagong henerasyon. Sa kabila nito, mayroong mga pagbabagong tuligsa sa pagpapayabong ng mga wika ng Pilipinas. Makalipas ang pitong taon magmula tanggalin ang mga asignaturang Panitikan at Filipino sa kolehiyo, ito’y tahimik na nagpapatuloy sa iba pang antas ng edukasyon sa bansa.
𝐏𝐚𝐠𝐭𝐚𝐧𝐠𝐠𝐚𝐥 𝐧𝐠 𝐅𝐢𝐥𝐢𝐩𝐢𝐧𝐨 𝐬𝐚 𝐤𝐨𝐥𝐞𝐡𝐢𝐲𝐨
Sa bisa ng Memorandum Order No. 20 s. 2013 mula sa Commission on Higher Education (CHED) at sa pag-apirma ng Korte Suprema, inalis ang Filipino at Panitikan mula sa mga core subjects ng curriculum sa kolehiyo. Naging kontrobersyal ang pagpatupad ng desisyon noong Oktubre ng 2018 na tinuligsa ng mga grupo ng guro, akademiko, aktibista, at estudyante.
Pinangunahan ng Alyansa ng Mga Tagapagtanggol ng Wikang Filipino o Tanggol Wika ang pagkontra sa pagbabalewala sa pambansang wika. Ang naging pangunahing argumento ng Tanggol Wika ay ang konstitusyonalidad ng memorandum kung saan hindi ito sumusunod sa mandato ng Konstitusyon na itinalaga ang pag-aaral ng Filipino, Panitikan, at Konstitusyon sa curriculum.
Pangatwiran ng Korte Suprema, hindi nakasaad sa Konstitusyon kung aling antas ng edukasyon ito dapat ituturo. Base rito, walang nilabag ang memo sapagkat inilipat lamang ang mga naturang asignatura sa senior high school curriculum. Bagaman binigyang dahilan, ang mga aksyon sa edukasyon sa mga susunod na taon ay tila pinabulaanan ito.
𝐏𝐨𝐭𝐞𝐧𝐬𝐲𝐚𝐥 𝐧𝐠 𝐦𝐠𝐚 𝐞𝐬𝐭𝐮𝐝𝐲𝐚𝐧𝐭𝐞 𝐬𝐚 𝐒𝐞𝐧𝐢𝐨𝐫 𝐇𝐢𝐠𝐡 𝐒𝐜𝐡𝐨𝐨𝐥
Noong 2024, ipinakilala ng Department of Education (DepEd) ang kanilang planong bawasan ang mga core subjects sa senior high school sa lima o anim mula sa labimpitong asignatura. Ang panukalang ito ay naglalayong agarang “ihanda” ang mga estudyante sa pagtatrabaho sa pamamagitan ng paglalaan ng karagdagang oras sa kanilang work immersion. Ito ay nagresulta sa pagsasama-sama ng mga asignaturang sumasaklaw sa komunikasyon, kultura, at wika.
Ayon kay John Paul Andaquig mula sa Ibon Foundation, isang organisasyong nagtataguyod ng mas matuwid na lipunan, ang mga asignaturang tumatalakay sa pagkamalikhain, kultura, at identidad ay malaki ang gampanin sa pagbuo ng isang indibidwal na may kritikal na pag-iisip. Ito, kasama ang mga asignaturang agham at aritmetika, ay marapat na maging bahagi ng komprehensibong edukasyon humuhubog sa susunod na henerasyon. Dagdag pa ni Andaquig, kung aasahan man ang edukasyon sa paghuhulma ng mga Pilipinong kasangga sa kaunlaran ng bansa, kinakailangan ng curriculum na nakasentro sa progresibo at makabansang pananaw.
𝐀-𝐁𝐚-𝐊𝐚-𝐃𝐚, 𝐬𝐢𝐦𝐮𝐥𝐚𝐧 𝐡𝐚𝐧𝐠𝐠𝐚’𝐭 𝐛𝐚𝐭𝐚 𝐩𝐚
Bukod sa kolehiyo at Senior High School, nakaranas din ng pagbabago ang mga nagsisimula pa lang sa pag-aaral. Noong Oktubre 2024, naisabatas ang Republic Act 12027 o Act Discontinuing the Use of Mother Tongue as Medium of Instruction, kung saan hindi na obligado ang mga guro na gamitin ang lokal na wika, tulad ng Cebuano, Ilokano, Waray, atbp., sa pagtuturo sa mga estudyante mula Kindergarten hanggang ikatlong baitang. Ang bunga ng pagpapatupad ng batas na ito—ang pagkakulong ng pagtuturo sa dalawang lengguwahe: Filipino at Ingles.
Tinuligsa ito ng grupong Tanggol Wika isang taon bago naipatupad ang batas. Ayon sa grupo, ang pagsasabatas nito ay mag-aaksaya ng pag-unlad na dulot ng Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTB-MLE) sa ilalim ng nirebisang K-10 curriculum o mas kilala bilang MATATAG curriculum. Tinutulan din ng ibang mga grupo at eksperto ang pag-alis ng MTB-MLE dahil ito’y nagsisilbing hadlang sa pagkatuto ng mga mag-aaral sa iba’t ibang asignatura.
𝐏𝐚𝐠𝐬𝐮𝐧𝐨𝐝 𝐬𝐚 𝐩𝐚𝐧𝐝𝐚𝐢𝐠𝐝𝐢𝐠𝐚𝐧𝐠 𝐩𝐚𝐦𝐚𝐧𝐭𝐚𝐲𝐚𝐧
Iba ang pangangailangan ng mga Pilipino sa internasyonal na balidasyon–at hindi na mailalayo dito ang edukasyon. Sa ginanap na Programme for International Student Assessment (PISA) noong 2022, lumabas na ang mga Pilipinong estudyante ay nagtala ng mababang iskor sa pagbabasa, aritmetika, at agham (Reading, Math, Science). Umalma ang mga magulang, guro, at ang DepEd sa resultang ito; tinuran ang pandemya, sunod-sunod na suspensiyon, at kakulangan ng imprastraktura bilang dahilan ng nakakadismayang resulta.
Tila hindi nabibigyang-pansin ang isyu sa mga pandaigdigang pamantayan at pambansang edukasyon: ang wika. Sa isinagawang PISA noong 2022, nakasulat sa wikang Ingles ang pagsusulit na natanggap ng mga Pilipinong estudyante habang ang ibang mga bansa ay inilapat sa kanilang inang wika ang pagsusulit. Sa isang “pagbabago” na naglalayong pantayan ang pandaigdigang pamantayan, panghuli muli ang Pilipinas.
𝐒𝐚 𝐡𝐮𝐥𝐢, 𝐡𝐢𝐧𝐝𝐢 𝐝𝐚𝐩𝐚𝐭 𝐧𝐚𝐡𝐮𝐡𝐮𝐥𝐢
Ilang taon na nang simulan ng mga guro, akademiko, estudyante, aktibista, at Tanggol Wika ang laban kontra sa pagkalimot sa pambansang wika sa edukasyon. Salungat sa hangarin nitong makaabot sa mga pandaigdigang pamantayan, patuloy na pinipilay ng sistema ng edukasyon ang sarili sa mga makadayuhan nitong reporma.
Sa kabila ng kawalan ng karampatang pagkilala, nananatiling malaki ang gampanin ng wika sa edukasyon, lalo na sa isang lipunang mayaman dito. Umiigting ang hangarin na mahimok ang kabataan na tangkilikin ang sariling wika. Ang iba’t ibang wika sa bansa ay bumubuo sa makulay na identidad ng mga Pilipino. At ang edukasyon, mula pagkabata hanggang pagtanda, ang humuhubog sa pagmamahal nito.