SineHaribon Pagtanggap cover

SineHaribon: Ang Pagtanggap sa Pagsibol ng Bagong Tradisyon

Written by Jamilla Marie Matias • Board by Arjay Samson | 7 June 24

Umikot na ang mga lente ng camera. Sumunod ang malakas na sambit ng “action!” Kasabay nito’y binigyang hustisya ng mga aktor ang mga hinabing diyalogo ng mga manunulat – damang-dama, walang puknit ang galing, walang mapagsidlan ng damdamin. Hanggang umabot sa “cut!” — tagumpay ang pagkuha sa eksena kaya naman baklas na; hudyat ng pagpalaya ng hiningang kaakibat ay ginhawa.  

Sa ganitong mga senaryo umiikot ang mundo ng pelikula. May pag timpla ng anggulo, may pagkalkal sa bawat yugto, at may mithiing iparating ang mga kwentong sumisimbolo sa maraming anyo at istilo ng pamumuhay ng mga tao sa mundo. Kaya naman hindi maitatatwa ang kahalagahan ng pelikula sa sining at kultura dahil patuloy nitong minumulat ang mga manonood sa iba’t ibang talamak na pangyayari sa lipunan. 

Buhat nito, isinakatuparan ng PLM Independent Film and Arts (PIFA) ang SineHaribon. Layunin nitong tipunin ang mga mag-aaral na nagnanais maghayag ng mga istorya gamit ang mga malilikhaing pelikula. Daan din ito upang mas lalo pang pagyabungin ang sining sa loob ng Pamantasan. 

Mga Haligi ng Produksiyon

Pagkukwento ni Anna Sophia Valdez, Promotions & Coordination Head ng SineHaribon, ang naturang proyekto ng PIFA ay hinango sa kolektibong pangarap ng mga kasapi ng organisasyon na makabuo ng kultura na nakatuon sa paglikha ng pelikula hindi lamang sa loob ng kanilang samahan bagkus para sa buong mag-aaral sa loob ng Pamantasan. 

“Alam namin na maraming mahuhusay na estudyanteng manlilikha sa Pamantasan. Sadyang hindi lang sila nabibigyan ng plataporma para ipamalas ang kanilang talento sa larangan ng sining at pelikula. Kaya bilang mga alagad ng sining, kaming mga miyembro ng PIFA na mismo ang gumawa ng inisyatibo para pagyabungin pa ang diwa ng pagpepelikula”, saad niya. 

Naibahagi rin niya ang ilan sa mga pagsubok na kanilang kinaharap sa pagtataguyod ng nasabing okasyon. Ilan dito ay ang kakulangan sa tao, hindi tukoy na pagpaplano, at kawalan ng sapat na pananalapi. Ngunit sa kabila ng mga ito, tagumpay pa rin nilang naisakatuparan at nalampasan ang mga hamong nagdaan bunga ng sama-samang pagsisikap, dedikasyon, at kooperasyon ng mga haligi ng produksiyon na siyang lubos na pinagpapasalamat ni Anna. 

Dagdag pa niya, bagamat walang karampatang salaping gantimpala para sa mga nanalo at lumahok, batid niyang napaglingkuran nila ang mga batang manggagawa ng pelikula nang buong puso sa abot ng kanilang makakaya. Hiling niya rin na sana’y naging daan ang SineHaribon upang mas higit pang yumabong ang kagustuhan ng mga ito sa paggawa ng pelikula. 

Sa Lente ng mga Manonood

Sa lente ng mga manonood tulad ni Jan Ella Almerol mula sa Bachelor of Arts in Communication, ang mga ganitong patimpalak ay napakahalaga sapagkat nagbibigay ito ng plataporma sa mga estudyante upang mas lalo pang palawigin ang kakayahang lumikha ng mga kwentong sumasalamin sa estado at gawi ng buhay ng mga Pilipino. Kung kaya’t labis ang kanyang tuwa at paghanga sa mga kapwa mag-aaral na lumahok sapagkat nailahad at naipikita ng walong tampok na pelikula ang reyalidad ng buhay — may saya, lungkot, pagkabigo, pagtanggap, at tagumpay. 

Paglalahad pa niya, naisipan diumano niyang sumali sa naturang proyekto ng PIFA ngunit dahil sa kakapusan sa oras ay hindi niya ito nagawa. “May story na ako on mind and like possible production team, unfortunately hindi lang kinaya ng oras since busy masyado with academic responsibilities. But hopefully, on the next year, makapagpasa ako, kami ng mga friends ko and I’m very looking forward to that”, aniya. 

Ayon naman kay Aisac James De Leon mula sa College of Business Administration, isang matagal na pag-aantay ang pagsibol ng SineHaribon lalo pa’t bukas ito hindi lamang sa mga mag-aaral ng komunikasyon sa paaralan ngunit pati na rin sa ibang kurso. “Honestly natuwa at na-excite ako nung mabalitaan kong magkakaroon ng ganitong film fest sa Pamantasan. Dahil karamihan sa mga film fest na nagdaan ay open lamang sa mga communication students, sa tulong ng SineHaribon mas nabigyan ng lawak ang mga estudyante na nais maglahad ng kanilang kwento. Nakakatuwa na mas nagkakaroon ng malaking entablado para sa mga filmmakers sa loob ng ating Pamantasan”, saad niya. 

Gaya ni Ella, ninais din ni Aisac na ibahagi ang kanyang nabuong istorya subalit dulot ng mga personal na kadahilanan at responsibilidad na mas dapat unahin ay bigo rin siyang makasama rito. Sa kabilang dako, hiling niya namang mas makilala pa ang film festival na ito at makapagtampok ng full-length na pelikula at maisama ang dokumentaryo bilang kategorya. 

Ang Pagdaloy ng Tradisyon

Malaki ang naging papel ng Cinematheque sa tagumpay na tinamasa ng SineHaribon sa pagsibol nito. Dulot ng mga pook tampukan na ibinihagi ng Cinematheque, naipaabot sa iba’t ibang tagapanood hindi lamang sa loob ng eskwelahan ang walong pelikulang bumida sa unang taon ng SineHaribon. 

Para kay Mx. Jen Lopez, Project Development Officer ng Cinematheque, marahil isang aral ang pakikipag-ugnayan sa PIFA sapagkat nabatid nilang marami pang mga kabataan ang may kakayahang lumikha at magpahayag ng kanilang kwento gamit ang pelikula. “Learning ito para sa amin. Dahil nalaman namin na may iba pang students na aspiring, ginaganahan kami na lalong tumulong sa mga estudyante, hindi lang sa mga current na mga filmmakers but also sa mga aspiring filmmakers pa na darating”, aniya.

Ayon pa sa kanya, handa nilang tulungan ang SineHaribon sa mga susunod pang taon upang magkaroon pa ng mas maraming manonood para bigyang halaga ang mga pelikula. Nailahad niya rin na labis siyang natuwa sa talkback session dahil naipapakita rito ang layuning nais iparating ng mga manlilikha ng pelikula. “Nagustuhan ko rin yung not just the film but also ‘yung nangyaring talkback kung saan na-engage ‘yung audience para magtanong, kung ano yung mga ideas ng filmmakers which is actually kapag ‘yung mga student-filmmakers natin ngayon, if gusto nilang i-pursue pa [ang] pagiging filmmaker, malaking help ‘yon kasi nakaka boost ‘yon ng confidence as aspiring filmmakers”, saad niya. 

Dagdag pa rito ang isang mensaheng nais niyang iparating sa mga nagmimithing gumawa ng pelikula sa hinaharap. “Kapag may naririnig kayong negative criticism take that as positive kasi dapat ginagamit nyo siya as learning. Sa mga aspiring filmmakers huwag kayong madadown kapag may sinasabi sa inyong comments na hindi maganda about sa film nyo but gamitin nyo siyang motivation para mas mag-improve pa”, wika niya. 

Sa pagdaloy ng tradisyong ito sa Pamantasan, mas lalo pa sanang sumibol ang kagustuhan ng mga mag-aaral na maipakita at maipahatid ang kanilang likhang kwento sa madla. Nawa’y ang pag-agos ng bagong tradisyong ito ay magdulot pa ng mas progresibo at maunlad na sining sa Pamantasan.