1

SINE ALON 2026: Ang Kuwento ng Tao ay Kuwento ng Bayan

Written by Katherine Castro • Photos by John Marcel Sumanghid & Aubrey Nieva | 23 June 26

Tulad ng hampas ng alon sa payapang pampang, iniaahon ng isang kuwento sa dalampasigan ang mga karanasang naikukubli lamang sa katahimikan. Mula sa mga sugat na hindi pa tuluyang naghihilom, mga pangarap na matagal nang inaasam, hanggang sa mga katotohanang hindi madalas mapansin ng mata, dito nagmumula ang mga tinig na naghahangad na marinig at naghihintay na maisulat. At sa pamamagitan ng pelikula, ang bawat tagpo ng mga kuwentong ito ay naglalayag tungo sa mas malalim na pagkilala sa realidad ng lipunan, higit lalo sa iba’t ibang mukha ng pagiging Pilipino.

Entablado ang naging baybayin ng mga naratibo sa Sine Alon 2026, na ginanap noong Mayo 16 sa Justo Albert Auditorium (JAA). Tampok ang limang produksyon mula sa mga mag-aaral ng 4th Year Bachelor of Arts in Communication (BAC). Nagsilbi itong tagpuan ng iba’t ibang karanasan, mula sa personal na gusot ng pamilya hanggang sa mabibigat na dagok ng buhay.

Ang paglaya sa nakaraan at pagyakap sa kasalukuyan.

Unang itinanghal ang “Para kay Kalia,” hatid ng Cine Liwasan sa direksyon ni Madielyn Retiro, na umiikot sa kuwento ni Kaloy na naghahangad makilala bilang isang transgender. Higit sa pagbagtas tungo sa ganap na pagtanggap, inilahad nito ang dalamhati ng kaniyang amang patuloy na nagluluksa sa pagkawala ng asawa. Sa panimula, naging banayad ang agos ng pelikula, kung saan makikita ang taimtim na tahanan ng mag-ama at ang makulay na personalidad ng bida. Sa kabila nito, may bigat na lumukob sa puso ng mga manonood, na nagsimula nang naising suotin ni Kaloy ang bestida ng yumaong ina para sa isang importanteng kaganapan sa eskwela.

Sa kabuuan, ang pelikulang ito ay pahayag ng tunay na pagmamahal — kung saan ang kahulugan ng pagiging magulang ay hindi nasusukat sa pagbibigay-pahintulot na maging totoo, bagkus sa kahandaang yakapin ang anak nang buong puso. Nagwagi rito sina Jass Lucky para sa Best Production Design at Madielyn Retiro para sa Best Cinematography. Nakatanggap din ang produksyon ng Special Jury Citation at kinilala bilang 3rd Best Film.

Katotohanan laban sa kapangyarihan.

Mula sa tahimik na laban ng isang ama at anak, lumipat ang lente sa mas masalimuot na usapin sa lipunan. “Ang karahasan ay sandata ng mga taong walang kakayahang mangatwiran.” Ito naman ang pinapahiwatig ng MaPa Productions sa pelikulang “Playback” sa direksyon ni Kate Megano. Tahasan ipinakita ng produksyong ito ang pait na iniwan ng Extrajudicial Killings (EJK) at ang liko-likong sistemang walang pananagutan.

Tampok rito ang kuwento ni Cassandra, isang mag-aaral na ang simpleng proyekto ay nauwi sa pagbubunyag ng baluktot na katotohanan sa pagkamatay ng kaniyang ama. Dahil sa halip na droga, isang lasing na pagtatalo sa kalsada ang ugat ng trahedya, na siya ring pinagtakpan ng taong hindi niya inaakala. Ang Playback ay nagsisilbing paalala na minsan, ang pinakamalaking kasinungalingan ay nagmumula sa mga taong malapit lamang, at sa mailap na pagkakataon, sila pa ang maglalagay ng busal sa bibig ng iba upang alagaan ang reputasyon. Kaya’t sa huling eksena ng pelikula, nag-iwan ito ng isang mabigat na tanong: Hanggang saan ang kaya mong gawin para ikubli ang katotohanan?

Ugnayang hinuhubog ng pagmamahal at pang-unawa.

Matapos ang mabigat na tema, halakhak naman ang hatid ng “Kuya, Pa-Extend!” ng AFK Films sa direksyon ni Ella Turna. Ipinakilala nito si Susan, isang ina na lihim na nahuhumaling sa computer games, at si Nexus na natuto rin sa paglalaro. Para sa bata, ito ay bagong libangan na kaniyang natagpuan, ngunit para kay Susan, ito’y kanlungan mula sa mga pagsubok na pinagdadaanan. Ang kaniyang pagkalulong rito ay nagsilbing lihim na siyang nabunyag nang mahuli siya ni Nexus sa gitna ng paglalaro na naging mitsa ng isang masidhing pagtatalo. Naibulalas ang hinanakit ng isang anak na nakadama ng pagkukulang sa atensyon ng ina, na kalauna’y nagbukas ng pagkakataong mas maglaan ng oras sa isa’t isa.

Sa huli, ipinakita nito na sa kabila ng mga “glitch” ng modernong mundo at iba pang pasanin ng buhay, ang tunay na koneksyon ng pamilya ay nabubuo sa pakikinig, pag-uusap, at pang-unawa. Kinilala rito ang husay nila Vangie Castillo bilang Best Supporting Actress, Ria Tiozon bilang Best Actress, at Simon Solomon para sa Best Editing. Nakamit din nila ang Special Jury Citation at 2nd Best Film.

May boses ang kabataan at ngayon ay lumalaban.

Kasunod ng tanong na iniwan ng “Playback,” tumuon naman sa pasanin ng mga tsuper at panganib na kaakibat ng pakikibaka ang produksyon ng Afterclass Cinema sa “Ang Huling Paglipad ni Dani,” mula sa direksyon ni Alexander Ira Santos. Sa kahabaan ng mga kalsada, inihayag ang kalagayan ng Pilipinas, mula sa pagtaas ng presyo ng langis hanggang sa araw-araw na paghihirap ng mga tsuper na nawawalan ng kabuhayan. Maingat ding ipinahiwatig ang papel ng protesta sa isyung panlipunan: hindi gulo, bagkus ay malakas na panawagan. At sa pelikulang ito, si Dani ang naging sagisag ng tapang at paninindigan. Pintunayan niyang ang tunay na paglipad ay hindi nangangailangan ng pakpak, kundi ng lakas ng loob na magsalita para sa kapwa.

Sa ganitong pagbasa, siya ay hindi lamang estudyante; inspirasyon siya at simbolismo ng prinsipyo at pag-asa. At sa rurok ng kaniyang pag-unawa sa nangyayaring gulo, mapagtatanto na sa gitna ng krisis, ang kabataan ay may kakayahang maging tinig ng pagbabago at tagapagdala ng liwanag sa lipunan.

Tinig ng isang anak na inulila ng karahasan.

Bagama’t kapwa sumasandig sa panahon ng EJK, naiba ang “Huling Tuldok” mula sa ikalawang pelikula nang silipin nito ang mga buhay na naiwang magpatuloy sa kabila ng karahasan. Sa direksyon ni Baron Gonzales, hango ang kuwento sa tunay na buhay ni Romeo Dollente — ang kanilang Director of Photography at anak ng isang biktima ng EJK. Ipinarating ng produksyon ng Dalumat Katha ang kapangyarihan ng panitikan bilang salalayan ng alaala sa gitna ng trahedya. Si Tonton, ang tagapagsalaysay ng kuwento sa anyo ng liham, ay naghahangad ng 5-star na grado upang matupad ang pangakong maisama ng kaniyang ama sa perya. Ngunit sa likod ng inosenteng mga mata, pinoprotektahan siya ng kaniyang kuya mula sa amang unti-unting nalululong sa droga. Gayunpaman, nanatiling malinaw sa kanya ang imahe ng isang mabuting ama at ito ang kaniyang piniling panghawakan sa kabila ng pagguho nito sa kanilang harapan. Isiniwalat nito na madali lang para sa taong may baril ang kalabitin ang gatilyo nang hindi iniisip ang maiiwang pamilya, at ito mismo ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay mayroon pa ring umiiyak para sa hustisya. Sa huli, hindi lamang ito tungkol sa buhay na tinuldukan ng bala; ito rin ang mismong “tuldok” sa liham ni Tonton — ang tahimik na pagputol sa inaasam na gantimpala, maging sa mundo niyang tuluyang nawala.

Inuwi ng produksyon ang Best Poster (Raine Dela Cruz), Best OST (‘Di Matutuldukan), Best Ensemble, Best Child Performer (Zed Martin), Best Supporting Actor (Kelle Gleo), Best Sound Design (Miaka Cha), Best Screenplay (Karylle Pimentel at Sharmaine Aguirre), at Best Director (Baron Gonzales). Nauwi rin nito ang People’s Choice Award, Special Jury Citation, at itinanghal na Best Film.

Sa bawat hampas ng alon sa pampang, may daluyong na tahimik na binabagtas ng tao — mga sugat sa loob ng tahanan, mga katotohanang naghahanap ng katarungan, at mga suliraning matagal nang iniinda ng lipunan. Ang Sine Alon 2026 ay naging daan upang mabigyan ng lente ang mga isyung naka-ugat sa araw-araw na buhay. Dahil sa mga produksyong nagpamalas ng kanilang galing sa paglikha ng sining, ang mga kuwentong kadalasang tahimik ay nabigyan ng espasyo at tinig.

Nananatiling buhay ang mga kuwento nina Kaloy, Cassandra, Susan, Dani, at Tonton, hindi lamang bilang mga karakter, kundi mga ordinaryong taong pinipiling umasa, makibaka, at higit sa lahat — mabuhay. Sila ang realidad ng lipunan at totoong mga mukha ng pagiging Pilipino. At sa loob lamang ng limang pelikula, higit na naipahayag na ang kuwento ng tao ay kuwento ng bayan.

1
2
3
4
5
DSC 0324
DSC 0309
DSC 0159
DSC 0157
Copy of IMG 3998
DSC 0121
Copy of IMG 3664
0219