Simbang Gabi: Ang Panggigising ng mga Kampana
Written by Jamilla Marie Matias • Board by John Ivan Pasion | 23 December 23
Hudyat ang pagtungtong ng ika-16 ng Disyembre sa pagsisimula ng Simbang Gabi o ang serye ng siyam na gabi ng pangingilin na naging bahagi na ng pagdiriwang ng kapaskuhan ng mga kristiyanong Pilipino. Tinatawag din itong Misa de Gallo na impluwensya ng mga kastilang mananakop. Orihinal itong ginawa upang padaluhin sa misa ang mga magsasaka bago tumungo sa sakahan.
Sa kasalukuyan, ang pagdaraos ng simbang gabi ay isa na sa mga tradisyong patuloy na humuhubog sa kultura ng mga Pinoy. Taglay nito ang kariktan ng pananampalataya sa pagsibol ng pag-asa, katuparan sa mga kahilingan, at ang pagpapasalamat sa Maykapal sa mga biyayang natanggap. Tulay rin ito upang pagbigkisin ang pamilya sa pamamagitan ng sama-samang pananampalataya.
Karaniwan itong ginaganap tuwing alas-kwatro hanggang alas-singko ng madaling araw ngunit may ilan din namang mga simbahang nagdaraos nito sa hatinggabi. Natatapos ang simbang gabi sa ika-24 ng Disyembre o sa bisperas ng pasko kung saan kadalasang isinasagawa rin ang panunuluyan o ang pagsasadula nang pagsilang kay Kristo.
Ang paniniwalang matutupad ang kahilingan kung makumpleto ang siyam na gabi ng pagdalo sa misa ay isa sa mga dahilan kung bakit sa kabila ng kagipitan sa oras ay naglalaan pa rin ng pagkakataon ang mga Pilipino upang makapag simba.
Para naman sa iilan, higit pa sa personal na kahilingan ang simbang gabi. Kagaya na lamang ni Angelita Pallorina mula sa College of Humanities Arts and Social Sciences (CHASS) na itinuturing na tradisyon at hakbangin papalapit sa Diyos ang bawat pagsa bangon sa umaga’t pagtungo sa simbahan. “In a way sacrifice siya eh kasi bukod sa tradisyon na siya ng family mas naiignite mo yung faith mo kay God”, paglalahad niya.
Bahagi rin ng simbang gabi ang mga pagkaing binebenta sa labas ng simbahan matapos ang isang oras na pangingilin. Ilan sa mga ito ay ang puto bumbong at bibingka na marahil ay sumisimbolo sa pagkakaisa at pagkakabuklod-buklod ng mga indibidwal na may iisang tunguhin – ipagdiwang ang pagsilang kay Kristong manunubos.
Ang mayabong na kultura’t tradisyong ito ng mga Pilipino ay indikasyon din ng pagkakaroon ng malalim na pananampalataya. Hatid nito ang diwa ng pagmamahalan at pagbibigayan karugtong ang mga aral na hatid sa ispiritwal na kalooban ng isang tao. Ang pagtunog ng mga kampana ng simbahan ay paanyaya na manalangin upang makamtan ang mga bendisyon mula sa itaas at upang salubungin ang paparating na pag-asa.