Sa Usapin ng Bembangan, Dapat Maalam ang mga Iskolar ng Bayan!
Written by Francis Irvin Gonzales • Board by John Ivan Pasion | 20 February 25
Bahagi na ng karaniwang diskusyon sa Pamantasan ang pagtatanong tungkol sa pakikipagtalik. Mula sa hourly rates ng mga malapit na motel, hanggang sa condoms para sa iba’t ibang “lalaki”, naging magaan at pawang katuwaan na ang mga katanungan ng mga isko’t iska. Ngunit, higit sa pagbibiro tungkol sa sensitibong usapin, ay ang lehitimong pag-aagam-agam sa mga dapat at hindi dapat gawin. Sa usapin ng bembangan, ano-ano nga ba ang dapat alalahanin ng mga iskolar ng bayan?
Iba’t ibang contraceptives ang isa sa mga unang nababanggit sa usapin ng pagsisiping bilang proteksyon para maiwasan ang mga sakit at mga “sorpresa”. Ang condom ang nagsisilbing pangunahing seguridad para sa karamihan dahil ito ang pinakamadaling mabili sa mga malapit na botika. Parehong may uri para sa babae at lalaki, ang mga condoms ay nakatutulong magbigay ng ligaya habang binibigyang kasiguruhan ang mga indibidwal.
Mahalaga ring isama sa usapan ang dalawang uri ng pills na maaaring inumin ng kababaihan nang regular o sa pagkakataong nagkaroon ng “unprotected bembang”. Ang Combined-oral Contraceptive (COC) Pills na may dalawang hormones na nilalaman—estrogen at progesterone—na pumipigil sa pagbubuntis. Maaaring inumin ito ng mga babaeng sexually active o hindi. Samantala, ang Progesterone-only Pills (POP) ay naglalaman ng progesterone lamang dahil para ito sa mga babaeng nagpapasuso. Parehong mabibili ang dalawang uri ng oral contraceptives sa mga botika na may iba’t ibang brands.
Bagamat makabuluhan, ang diskusyon ng bembangan o reproductive health ay naisasantabi sa usapin ng agham. Hindi tulad ng Physics, Biology, o ibang hard sciences, ang diskusyon ng reproductive health ay sumasaklaw sa social at sociological na aspeto ng lipunan. Kailangan tingnan ang kultura at lipunang kinabibilangan sa pagpapalalim ng kaalaman pagdating sa kalusugang sekswal.
Sa Pilipinas, itinuturing na taboo at iniiwasan ang usapin ng pakikipagtalik. Nagbubunga sa nagtataasang teenage pregnancy, STDs/STIs infection rates, at HIV rates ang mga konserbatibong pananaw dahil sa pagpigil sa makabuluhang pagbabago. Nananatiling may stigma o atrasadong pananaw pagdating sa mga nakahahawang sakit at sa bembangan sa kalahatan.
Bilang kabataan, mahalagang kilatisin ang mga pag-iisip na nagpapatuloy sa mga pananaw na ito. Maraming kilusan, grupo, at organisasyon ang naglalayong mabawasan ang stigma sa pakikipagtalik at seguraduhing ito ay nakakapagbigay kaligayahan sa lahat. Ang mga non-governmental organizations (NGOs) tulad ng Likhaan Center for Women’s Health Inc. at Lunas Collective ay nagpapalawig sa kaalaman ng mga mamamayan tungkol sa pakikipagtalik habang nagbibigay ng libreng serbisyo at konsultasyon. Mayroon ding mga lokal na klinika na nagbibigay ng serbisyo na tumutugon sa pangangailangang sekswal. Ang Manila Social Hygiene Clinic, na mayroong clinic sa bawat distrito sa Maynila, ay nagiging kasangga ng Pamantasan sa pagbibigay ng libreng HIV testing sa mga estudyante.
Mahihinuha sa mga usaping sekswal sa loob at labas ng Pamantasan na mayroong pangangailangan sa mas mabuting edukasyon tungkol dito. Nakasaad ang Comprehensive Sexuality Education (CSE) sa ilalim ng isinusulong na Adolescent Pregnancy Prevention Bill sa kongreso na naglalayong palawakin ang curriculum at maturuan ang kabataan, mula preschool at elementarya, tungkol sa mga dapat malaman sa kanilang katawan. Nakatuon ang pansin ng programa sa mga konsepto ng consent at boundaries, na angkop sa edad ng mga estudyante at sa kultura ng Pilipinas. Ang pagbuo ng kaalaman tungkol sa sariling katawan at awtonomiya ay mahalaga sa pagsulong sa ligtas at malusog na sekswal na kalusugan.
Sa usapang pakikipagtalik, wastong kilalanin ang pangangamba ng bawat indibidwal, kahit gaano pa man kaliit ito. Para sa mga isko at iska, kalakip na ng mga biro ang mga kuro-kuro tungkol sa bembangan. At gaya sa araling pang-akademiko at isyung panlipunan, marapat na mananatiling maalam ang mga iskolar sa kanilang kabuuang kalusugang sekswal.