jpg ver latha

Sa Bawat Kagat, Ano ba ang Dapat?

Written by Christian Cillo • Board by Jian Muyano | 29 July 26

Maraming usaping pangkalusugan ang naging tanyag ngayon. Kasabay nito ang pag-usbong ng iba’t ibang paraan ng pagdidiyeta tulad ng one meal a day (OMAD), vegan diet, at calorie deficit. Sa dami ng pagpipiliang pagkain sa loob at labas ng paaralan, marami sa mga estudyante ang nabubusog ngunit hindi sapat ang nakukuhang sustansiya. Madalas ay kulang sa gulay at prutas, o kaya naman ay puro karne at kanin lamang ang laman ng pinggan. Dahil dito, hindi natutugunan ng katawan ang lahat ng sustansiyang kailangan nito sa araw-araw.

Sa kabila ng pagkakaiba-iba ng mga payong pangkalusugan, iisa ang pundasyong kanilang pinanghahawakan—ang wastong nutrisyon at balanseng pagkain. Sapagkat gaano man kaepektibo ang isang ehersisyo o plano sa pagdidiyeta, nakasalalay pa rin ang mabuting kalusugan sa tamang pagpili ng uri at dami ng pagkain. 

Kumpletuhin ang Pinggan ni Juan

Upang maging gabay sa wastong pagkain, binuo ng Food and Nutrition Research Institute (FNRI) ng Department of Science and Technology (DOST) ang Pinggang Pinoy. Ipinakikita nito ang tamang sukat ng Go, Grow, at Glow foods sa bawat plato—kalahati ng pinggan ay prutas at gulay, isang-kapat ang Go foods tulad ng kanin o tinapay, at huling kapat ang Grow foods tulad ng isda, karne, itlog, o beans.

Hindi kailangang maging mamahalin o sosyal ang bawat ulam na ibabaon upang masabing masustansiya. Sa bawat paghahain ng pagkain, gawing gabay ang Pinggang Pinoy. Sa huli, ang tunay na sukatan ng isang masarap na pagkain ay hindi lamang ang lasa nito, kundi ang sustansiyang naibibigay sa bawat pinggan.

Ang Buhay ay Tubig, Tubig Lang

Hindi na lingid sa kaalaman ng marami na ang malaking bahagi ng ating katawan ay binubuo ng tubig. Mula sa maliliit na cells hanggang sa pinakamalaking organ na ang balat, mahalaga ang sapat na hydration upang makakilos nang maayos ang katawan. 

Kung kaya’t kahit kaunting kakulangan sa pag-inom ng tubig ay maaaring makaapekto sa pamumuhay  ng isang tao, lalo na sa mga mag-aaral. Ayon sa International Journal of Academic Medicine and Pharmacy, ang dehydration ay maaaring magpahina sa kakayahang akademiko, emosyonal na kalusugan, at pisikal na lakas ng isang estudyante. Kapag kulang ang tubig sa katawan, maaaring bumaba ang konsentrasyon, memorya, at kakayahang mag-isip nang malinaw, na nakaaapekto sa pagkatuto at performance sa klase. Maaari rin itong magdulot ng pagkapagod, pagbabago ng mood, at panghihina ng katawan, na naglilimita sa kakayahan ng mga estudyante na makilahok sa mga gawaing pang-akademiko.

Kaya habang hinahanap natin ang sarap ng matcha, Spanish latte, macchiato, o frappé sa kantina, huwag nating ipagkait sa ating katawan ang tubig na tunay nitong kailangan.

Unahin ang Pagkain, Katawan Huwag Gutumin

Sa gitna ng sunod-sunod na requirements, review sessions, at iba pang gawain, marami ang nagagawang unahin ang lahat maliban sa pagkain. May mga lumalaktaw ng almusal, nagpapalipas ng tanghalian, o naghihintay na matapos ang lahat bago kumain. Ngunit ang nakasanayang pagpapaliban sa pagkain ay hindi nakabubuti sa kalusugan at maaaring magdulot ng iba’t ibang suliraning pangkalusugan sa paglipas ng panahon.

Mula sa macronutrients tulad ng protina, carbohydrates, at fats hanggang sa mga micronutrients gaya ng mga bitamina at mineral, lahat ng ito ay kinakailangan ng ating katawan. Ayon sa World Health Organization (WHO), ang balanseng pagkain ang nagbibigay ng enerhiya, sustansiya, at proteksiyong kailangan ng katawan upang manatiling malusog at gumana nang maayos. Sa pamamagitan ng mga sustansiyang ito, kayang-kaya maging Alex Eala tuwing klase sa PE at Linda Walker tuwing may pagsusulit.

“Study first” man ang iyong paniniwala sa pag-ibig, ibahin ito pagdating sa pagkain. Puwedeng makalimutan ang ka-date o kahit ang taong nagpapatibok ng puso, ngunit huwag na huwag kalilimutang kumain. Ang may lamang sikmura ay may lakas na harapin hindi lamang ang mga hamon sa silid-aralan, kundi pati na rin ang mga pagsubok sa pag-ibig at sa pang-araw-araw na buhay.

Araw-araw, may kaakibat na desisyon ang bawat estudyante tuwing oras ng pagkain. Ito ay kung ano ang kakainin at kung kailan ito kakainin. Hindi man kailangang perpekto ang bawat kinakain, ang mahalaga ay ang pagiging responsable sa bawat kakainin. Sa huli, ang wastong nutrisyon ay hindi lamang tungkol sa pag-eehersisyo,  at pagsunod sa uso; ito ay tungkol sa pagbibigay prayoridad sa ating katawan, pagmamahal sa sarili at pagpili sa ating kalusugan.

Sapagkat ang malusog na katawan ay nagsisilbing tahanan ng isang malusog na isipan. Kapag sapat ang nutrisyon at maayos ang pangangalaga sa katawan, mas nagiging handa tayong matuto. Mas kaya na rin mag-isip nang malinaw at harapin ang mga pagsubok. Sa bawat kagat, hindi lamang ang katawan ang ating pinapakain, itinatayo rin nito ang pundasyon ng ating kinabukasan. Nagsisilbing sandata ang pagkain nang tama habang naglalakbay sa hamon ng buhay.