M011 072026 - PATAAS, NGUNIT HINDI PATAS

Pataas, Ngunit Hindi Patas

Written by Talitha Dungca • Board by Jian Muyano | 23 July 26

Opisyal nang itinalagang Upper-Middle Income Country (UMIC) ang Pilipinas matapos ang halos apat na dekada ng pagiging lower-middle income economy, ayon sa World Bank. Ang pagkilalang ito ay bunga ng malawak na pag-unlad ng ekonomiya mula sa iba't ibang industriya na nag-ambag sa patuloy na pagtaas ng gross national income (GNI) ng bansa. 

Sa pandaigdigang antas, kinikilala ng bagong klasipikasyon ang paglago ng ekonomiya ng Pilipinas. Maaari rin nitong palakasin ang tiwala ng mga dayuhang mamumuhunan, palawakin ang pakikilahok ng bansa sa pandaigdigang merkado, at magbukas ng mas maraming oportunidad sa kalakalan at pamumuhunan.

Ngunit sa kabila ng pagkilalang ito, hindi nangangahulugang awtomatiko ring gumaan ang buhay o tumaas ang kalidad ng pamumuhay at kita ng bawat Pilipino. Nananatili ang mas mahalagang tanong: ramdam ba talaga ng karaniwang Pilipino ang pag-asensong ito?

Hindi pa ito ang hantungan

Maging ang gobyerno ay umaming hindi ito dapat ipagdiwang nang walang pag-iingat. Ayon kay Arsenio Balisacan ng Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev), ang upper-middle income status ay hindi destinasyon kundi isang yugto lamang. Paalala niya, ang kaunlaran ay hindi nasusukat sa average income lang, kundi sa kalidad ng trabaho, produktibidad, oportunidad, at aktuwal na paglago ng buhay ng tao.

GNI per capita ang tawag sa tinatayang karaniwang kita ng bawat Pilipino. Kinukuha ito sa pamamagitan ng paghahati ng kabuuang kita ng bansa, kabilang ang mga kinikita ng mga Pilipino mula sa ibang bansa, sa kabuuang populasyon. Isa ito sa mga batayang ginagamit ng World Bank sa pagtukoy kung nasa anong antas ng ekonomiya ang isang bansa.

Mula $4,470 noong 2024, umakyat sa $4,850 ang GNI per capita ng Pilipinas noong 2025, isang pagtaas na humigit-kumulang 8.5 porsiyento. Ang pagtaas na ito ang nagdala sa bansa lampas sa $4,636 na minimum na kinakailangan para sa upper-middle income classification.

Halimbawa, ang isang grupo ng mga manggagawa kung saan ang ilan ay kumikita ng ₱20,000 kada buwan habang ang iba ay kumikita ng ₱100,000. Kapag pinagsama at hinati ang kanilang kita, tataas ang average na kita ng grupo. Ngunit hindi ibig sabihin nito na pare-pareho silang kumikita ng ganoong halaga o pare-pareho ang kanilang pamumuhay. Ganito rin ang limitasyon ng GNI per capita. 

Isang average lamang ang GNI per capita—kaya maaari itong umangat dahil sa iilang mayayaman habang milyon-milyon ang patuloy na kapos. Hindi nito sinasalamin kung sapat ba ang sahod laban sa taas ng presyo ng bilihin, kung may naitatabing ipon ang mga pamilya, o kung may maaasahang serbisyong panlipunan sa oras ng sakuna.

Basta Umusad

Hindi rin patas na maliitin ang mga nakamit. Bumaba ang poverty rate mula 23.5% noong 2015 tungo sa 15.5% noong 2023. Bumuti rin ang income inequality, o ang agwat sa kita ng mga mayayaman at mahihirap. Sinusukat ito gamit ang Gini coefficient, kung saan ang 0 ay nangangahulugang pantay ang distribusyon ng kita at ang 1 ay nangangahulugang lubhang hindi pantay ang distribusyon. 

Bumaba sa ilalim ng 40 ang Gini coefficient ng Pilipinas, unang beses sa loob ng apat na dekada. Mahalaga ito dahil ipinapakitang lumiit ang agwat ng kita sa pagitan ng iba't ibang bahagi ng populasyon. May malinaw na progreso.

Pero naroon pa rin ang mas tahimik na krisis: kawalan ng katiyakan sa kabuhayan. Halos 28% ng mga Pilipino ang itinuturing na nasa alanganing kalagayan—isang bagyo, isang pagkakasakit, o isang tanggalan lang sa trabaho ang layo mula sa pagbabalik sa kahirapan. Ang “secure middle class,” na halos isang-kapat lang ng populasyon, ay halos hindi lumaki mula pa noong 2018.

Dagdag pa rito, sa self-rated poverty survey ng Social Weather Stations na isinagawa noong Marso 2026, 52% ng mga pamilyang Pilipino ang nagsasabing mahirap sila at 13% ang nagsabing “borderline.” Mahirap isantabi ang agwat sa pagitan ng estadistika at saloobin ng mamamayan.

Malayo pa ang Liwanag

Isa sa mga ugat ng problema ay ang mabagal na paglago ng ekonomiya ng Pilipinas kung ihahambing sa mga karatig na bansa. Ang Malaysia ay kinilalang Upper-Middle Income Country noong huling bahagi ng dekada ’80; Thailand, noong 2011. Ngayon lang nakahabol ang bansa. Ang mas mahirap na hamon: ang pag-iwas sa bitag ng estado ng middle-income at ang pag-akyat tungo sa pagiging advanced economy—isang hakbang na iilan pa lang sa ASEAN ang nagawa.

Masalimuot din ang tiyempo ng pagtaas ng estado ng ekonomiya. Ang klasipikasyon ng World Bank ay batay sa naisakatuparan ng bansa hanggang 2025, pero sinalubong ng bansa ang 2026 na may mabagal na paglago, mataas na inflation, at antala sa paggastos ng gobyerno. Sa unang quarter pa lang, 2.8% ang itinaas ng ekonomiya—malayo sa orihinal na target. Ibinaba na rin ng pamahalaan ang growth target para sa taon.

Sa isang pagsusuri ng World Bank sa mga susunod na hakbang ng bansa, binigyang-diin ang pangangailangan para sa patuloy na pamumuhunan sa imprastraktura, edukasyon, kalusugan, at skills development upang mapanatili ang paglago at mapalawak ang mga oportunidad.

Dito susukatin ang tunay na halaga ng pag-unlad: hindi lamang sa bilis ng paglago, kundi sa lawak ng nakikinabang dito.

May Presyo ang Pag-angat

Hindi rin libre ang pagiging Upper-Middle Income Country. Posibleng mawalan ang bansa ng access sa concessional loans at preferential tariffs. May transition period, ngunit kasabay nito ang mas mabigat na pananagutan.

Para sa DepDev at World Bank, hindi sapat ang pag-angat ng Pilipinas sa bagong klasipikasyon. Ang pagiging Upper-Middle Income Country ay makabuluhan lamang kung sasamahan ito ng mas mabilis na paglikha ng dekalidad na trabaho, at mas maraming oportunidad para sa mga manggagawa na mapaunlad ang kanilang kakayahan.

Hindi maaaring umasa ang bansa na magpapatuloy ang pag-unlad kung napag-iiwanan ang mga pundasyong siyang nagtutulak sa mas mataas na produktibidad at mas inklusibong paglago.

Hindi rito nagtatapos ang laban. Ang pag-angat sa upper-middle income status ay may saysay lamang kung sasabayan ito ng mga repormang matagal nang ipinagpapaliban tulad ng pagpapalakas ng pamumuhunan, pagtiyak ng sapat at abot-kayang enerhiya, at isang pamahalaang may tunay na pananagutan.

Kung wala ang mga ito, mananatiling isang tagumpay lamang ito sa mga ulat at estadistika, ngunit hindi sa pang-araw-araw na buhay ng milyun-milyong Pilipino.

Higit sa Estadistika

Sa huli, ang upper-middle income status ay hindi kasinungalingan, pero hindi rin ito buong katotohanan. Isa itong paglalarawan lamang ng ekonomiya at hindi salaysay ng araw-araw na buhay. Ang tunay na sukatan ng tagumpay ay hindi kung anong kategorya ng ekonomiya tayo kabilang, kundi kung ang kaunlaran ay nagiging mas ligtas, mas patas, at mas ramdam ng karaniwang Pilipino.

Kung mananatili itong titulo lang, mabilis din itong mawawala. Ngunit kung gagamitin itong panimulang punto para sa mas malalim na reporma, maaaring maging totoo ang pangakong kaunlaran, hindi lamang sa papel kundi sa buhay ng bawat Pilipino. Sapagkat hindi sapat ang pag-angat kung hindi ito patas.