1

Paalala sa Kasalukuyan: Magbalik-Tanaw sa Nakaraan

Written by Jamilla Marie Matias • Board by John Ivan Pasion | 20 September 24

Mahigit limang dekada na mula nang idineklara ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. ang batas militar sa Pilipinas. Sa labing-apat na taong pag-iral nito danas ang malawakang korapsyon, pag-apak sa karapatang pantao, at panunupil sa kalayaang magpahayag at pumuna — siyang nagdulot ng madilim na kasaysayang tumatak sa mga Pilipino.  

Sa kasalukuyan, hindi maikakaila na malaki ang impluwensya ng talamak na pagkalat ng maling impormasyon upang ibaon sa limot at baluktutin ang malagim na yugtong nagdaan. Gayunpaman, marami pa ring mga manunulat at manlilikha ng sining ang patuloy na nagtataguyod na magmulat at magbahagi ng mga kwentong makatotohanan at makabuluhan sa mga pangyayari ng nakaraan. Handog nito ang iba’t ibang boses ng pagtindig sa pamamagitan ng mga representasyon at simbolong sumasalamin sa kalagayan ng lipunan. 

Dekada '70 at Desaparesidos ni Lualhati Bautista

Sa Dekada ‘70 ng tanyag na manunulat na si Lualhati Bautista, inilathala kung paano namulat ang diwang makabayan ng isang ina matapos mabiktima ng karahasan ang kanyang anak buhat ng panunuligsa sa gobyerno. Sa kabilang banda, ang kanyang Desaparesidos naman ay inilahad ang biglaang pagkawala ng mga taong tumututol sa klase ng pamamalakad ng pamahalaan at ang mga kaugnay na kaso ng pang-aabuso sa mga ito.  

12:01 ni Russell Molina at Kaji Baldisimo

Ang komiks na 12:01 ay tinalakay ang isa sa pinaka kinatatakutang bahagi ng pagpapatupad ng batas militar, ang curfew. Inilarawan sa kwentong ito ang pagmamalupit sa mga taong lumabag sa curfew pati na rin ang pagdukot ng mga awtoridad sa mga aktibista at mga mamamahayag na pawang nagbabalita ng korapsyong kinasasangkutan ng gobyerno. 

Si Jhun-Jhun Bago Ideklara ang Batas Militar ni Augie Rivera at Brian Vallesteros 

Sentro ng istoryang ito ang batang si Jhun-Jhun at ang biglaang pagkawala ng kanyang kapatid dulot ng pakikibahagi nito sa mga welgang tutol sa pamahalaan. Bagamat sensitibo ang naratibo nito para sa mga bata, mahalagang maunawaan na sumasalamin ito sa kaugnayang politikal ng lipunan sa mga kabataan at ang epekto nito sa pagtataguyod ng isang ligtas at maayos na espasyo para sa lahat. 

Conjugal Dictatorship of Ferdinand and Imelda Marcos ni Primitivo Mijares

Sa memoir namang The Conjugal Dictatorship of Ferdinand and Imelda Marcos ni Primitivo Mijares, isang katiwalang mamamahayag at propagandista ng dating pangulo, isiniwalat ang kaliwa’t kanang korapsyon ng administrasyon, mga paglabag sa batas, at ang plano nitong manipulahin ang mga mamamayan ukol sa batas militar upang mapanatili sa kapangyarihan. . 

Barber’s Tales ni Jun Lana

Sa Barber’s Tales ni Jun Lana tinalakay ang kalagayan ng mga kababaihan noong panahon ng pag-iral ng batas militar. Sinasalamin ng pelikula na bagamat mababa ang tingin at  itinuturing na pipi at mahina ang mga kababaihan, may kakayahan din ang mga itong lumaban nang taas noo, nang may sariling lakas at may kakayahang manindigan ano mang hamon ang ipukol ng mundo.  

Liway ni Kip Oebanda

Kwento ng mga preso noong panahon ng martial law, ang pelikulang Liway naman ay hango sa totoong pangyayari sa buhay ng direktor nitong si Kip Oebanda na lumaki sa bilangguan kasama ang kanyang ina. Mensahe ng pelikulang ito na ang pakikibaka ay hindi lamang pansariling interes bagkus para sa kapakanan ng mga mas nakararami at lalo na ng mga mahal sa buhay. 

Sister Stella L. ni Mike De Leon

Binigyang pansin naman ang pakikibaka ng mga madre sa pelikulang Sister Stella L. ni Mike De Leon kung saan walang pag-aatubiling nakibaka si Sister Stella Legaspi laban sa hindi makatarungang gawi at trato ng estado sa mga manggagawa at mahihirap pati na sa pagkakasangkot ng simbahan sa katiwalian. Inulan man ng samu’t saring pambabatikos batid niya ang kahalagahan ng kanyang pagkilos dahil ika nga niya’y: "Kung hindi tayo kikilos, sino ang kikilos? At kung hindi ngayon, kailan pa?".

Kagat ng Mosquito Press ni Howie Severino 

Sa dokumentaryong Kagat ng Mosquito Press ni Howie Severino naman ipinaliwanag ang kahalagahan ng mga “mosquito press” sa panahon ng pag sensor ng mga balita sa panahon ng martial law. Dito ibinahagi ang kabayanihan ng mga mamamahayag sa kabila ng maraming banta sa kanilang buhay sapagkat nais nilang ipabatid sa mga mamamayan ang katotohanang malayo sa idinidikta ng nasa kapangyarihan. 

1081 ni Kara David

Binigyang pansin naman ng dokumentaryong 1081 ni Kara David ang mga biktimang nakaranas ng pagmamalupit, mga dating sundalo at opisyal ng gobyernong nagsilbi sa administrasyon kung saan ibinahagi nila ang kanilang mga karanasan sa itinuturing na malagim na yugto ng kasaysayan. Ang pamagat nitong 1081 ay hango sa dokumentong naglalaman ng proklamasyon ng batas militar. 

Pilit man baguhin ang ikot ng kasaysayan sa pamamagitan ng pagpapakalat ng maling impormasyon, ang mga tala ng panitikan at sining ang patuloy na magpapaalala ng kahalagahan ng  pagbabalik-tanaw sa nakalipas na. Sapagkat maluma man ng panahon, ang mga aral kasaysayan ang magiging susi sa pagiging mulat sa katotohanan upang hindi na maulit pa ang masalimuot na kabanata ng nakaraan. 

Never again. Never Forget. 

1
2
3
4
5
6
7
8
9
10
11
12
13
14
15