M107 012826 - MANIPESTASYON BIDA SA SALUBONG NG BAGONG TAON

Manipestasyon: Bida sa Salubong ng Bagong Taon

Written by Dhave Montaniel • Board by Jannah Marie Duana | 30 January 26

“Akin ang 2026!” Ito ang paulit-ulit na sambit ng mga Pilipino sa bawat pagkasimula ng taon. Isa sa napakaraming pakulo na namayagpag sa social media na naglalayon na umayon sa kanila ang hinaharap. Mga gawain na tila walang saysay ngunit kung tutuusin ay napakalaking tulong upang magbigay ng pag-asa sa mga Pilipino, isang mahigpit na yakap na nagbibigay kapanatagan sa bawat puso. Taon-taong tradisyon: mga bilog na prutas na nakalatag sa mesa, polka dots sa kasuotan, at pag-iingay sa anumang paraan na posible, kahit pa ito’y maging nakabibingi. Ang mga ito ay nagpapabatid ng kahilingan ng mga Pilipino, sa pagbabago at sa buhay na nais nilang manaig at matamo. 

Batid na nasa sistema na ng mga tao na ibulong sa hangin at iwan sa pamahiin ang mga maaaring kahihinatnan. Ngunit may mga bagong kagawian na maaaring magbigay ng kontrol sa kung paano maaasam ang ninanais na kinabukasan.

Liwanag sa Dilim

Sa mismong pagpasok pa lamang ng bagong taon, abala na agad ang karamihan sa kani-kanilang manipestasyon. May mga kumaripas ng takbo at umilalim sa mesa upang kumain ng labindalawang ubas, kung saan ang bawat isa ay may katumbas na kahilingan. Ito’y maaaring patungkol sa pagmamahal, materyal na bagay, o ‘di kaya’y tungkol sa pag-aaral. Lahat ng maaaring ihiling ay ibubulong kasabay ng paglunok ng bawat ubas.

May mga iba naman na piniling magsulat ng kanilang goals na nais nilang makamtan sa kanilang planner. Tampok dito ang organisadong pagpaplano ng mga gusto nilang mangyari sa bawat araw, linggo, at buwan ng bagong taon. May mga gumawa naman ng vision board na puno ng imahe ng mga nais nilang makamit: mataas na grado, stable na trabaho sa hinaharap, magtravel, at magkaroon ng malinaw na direksyon sa buhay. Ito ay mga simpleng gawain na nakapagbibigay ng kapanatagan na magiging maayos ang taon na ito.

Bagama’t hindi siyentipikong napatunayan ang mga ito, nagsisilbi naman silang paalala na may kontrol pa rin sa direksyon ng buhay ang mga tao. Hindi lamang sila basta humihiling nang nakapikit at naglalakad nang nakapiring sa kung saan man nila nais tumungo, sila rin ay may ginagawa upang makatungtong sa lugar na inaasam ng kanilang puso. 

Gabay Sa Patutunguhan

Sa kabila ng pagod, hirap, at sakit mula sa nakaraan, binubuksan ng mga gawain na ito ang posibilidad na mangarap muli at huwag sukuan ang kinabukasan. Dahil ang mga simpleng paniniwala na ito ay humuhubog ng pananaw sa isang kinabukasan na walang kasiguraduhan. Sa panahong puno ng kawalan ng katiyakan, nagsisilbi silang titis ng liwanag na gumagabay sa pagtahak ng daan na hindi alam kung saan ba patungo. 

Sa huli, ang Bagong Taon ay hindi garantiya ng lubusan at agaran na pagbabago, kundi isang paalala at simbolo na may pagkakataon tayong magsimula muli sa pagtakbo. Isang panimula upang habulin ang mga bagay na nais nating matamo kahit gaano ito magmukhang imposible at malayo. Para sa mga Pilipino, ang mga nakasanayan at manipestasyon ay hindi lubusang pagpapasa o di kaya’y pag-iiwan na lamang sa ihip ng hangin ng kanilang tadhana. Ito ay anyo ng pangako, na ang kanilang minimithi ay kanilang matatamo. Sa paraan mang paghiling sa mga ubas o sa pagsindi ng paputok na ‘goodbye lolo,’ nananaig pa rin ang paniniwala na wala namang mawawala sa munting daing na “akin ang taon na ‘to.”