1

Linda Walker Guide: Aral Tips Ngayong Midterms

Written by Christian Cillo • Board by Jabiel Baliton | 28 March 26

Pitong araw na puno ng puyatan, mga notes na paulit-ulit na binabalikan, at mga taos-pusong panalangin bilang sandigan. Ayan ang mga ganap sa buhay ng mga Haribon tuwing midterms. Hindi naman masisisi ang ilan, malaking porsyento ng grado ang nakasalalay sa pagsusulit na ito. Minsan pa ay dito nakataya kung papasa ka sa subject o ‘di kaya’t uulitin ito. Sa gitna ng tensiyon at kaba, narito ang ilang payo para sa mga Haribon para sila ay manatiling nakalipad kahit nasa gitna ng matinding hamon ng midterms.

1.  PPT: Paulit-ulit na Pagbabalik Tanaw

Ika nga nila, familiarize, not memorize. Ibig sabihin, mas mahalaga na talagang nauunawaan mo ang konsepto kaysa sa basta mo lang ito kinakabisado. Kaya ang payo ni J. Ham ng College of Engineering, “Basahin ang mga PPT na ibinibigay ng mga prof, kapag may mga sample questions, try sagutan para may idea ka sa mga possible na itanong sa exam.” Dagdag pa niya, malaking tulong din ang makailang ulit na pagbasa sa mga materials na ibinigay ng mga propesor.

Maraming konsepto ang nakapaloob sa bawat asignatura, at hindi lamang iisang asignatura ang kahaharapin tuwing midterms. Kaya mahalagang maunawaan ang mga ito nang buo, hindi lamang basta kabisado. Ang memorization din ang pinakamababang uri ng pagkatuto batay sa Bloom's Taxonomy, isang konseptong binuo ng Amerikanong sikolohista na si Benjamin Bloom ukol sa hirarkikal na pag-aayos ng mga kasanayang kognitibo. Higit na mas mataas na antas ng pagkatuto ang naaabot kapag nauunawaan, nasusuri, at nagagamit ng mga mag-aaral ang kanilang natutunan sa iba’t ibang larangan.

2. APT: Alamin Pansariling Talino

Maaaring ang paraan ng pag-aaral ng iba ay hindi palaging angkop para sa iyo. Kung paanong magkakaiba ang personalidad ng bawat tao, ganoon din nagkakaiba ang paraan kung paano natututo at nag-aaral ang bawat mag-aaral. Ipinapakita rin ito ng VARK Learning Styles Model na binuo ni Neil Fleming, isang modelo na nagpapaliwanag na magkakaiba ang paraan ng pagkatuto ng bawat estudyante – may ilan na mas natututo sa pakikinig, pagbabasa, pagsusulat, o kaya naman sa aktuwal na paggawa.

Para kay Kilay ng College of Engineering, mas epektibo para sa kaniya ang pagsusulat ng notes at pag-aaral nang mag-isa. Aniya, “Minsan nga kapag may nagyayaya sa’kin na mag-aral together, hindi ako pumapayag most of the time, nadi-distract kasi ako,” 

Ipinapakita lamang nito na may mga mag-aaral na mas nakakapagpokus at mas nauunawaan ang aralin kapag sila ay nag-aaral nang mag-isa at nagsusulat ng sariling notes, na umaayon sa kanilang personal na estilo ng pagkatuto.

3. CHECKnolohiya

Maaari ring subukan ang makabagong teknolohiya bilang kaagapay sa hamon ng midterms. Nagkalat na ang mga AI at study tools upang mas mapagaan ang ating buhay. Saad ni Waffle ng College of Engineering, “Lagi ko ngang ginagamit yung mga flashcards online, pati nagpo-prompt din ako minsan sa ChatGPT to make questionnaires.” Dagdag pa niya, nakakatulong din ang pagpapa-explain ng topic sa mga AI if hindi mo ito lubos na maintindihan.

Hindi masasabing mabuti o ‘di kaya’y masama ang makabagong teknolohiya. Nasa tao na ito kung gagamitin nila ito sa tama. Kapag ginagamit nang tama, tulad ng paggawa ng sariling flashcards, pagpapagawa ng questionnaires, o pagpapaliwanag ng mahihirap na konsepto sa AI, mas naiintindihan at naaalala ang mga aralin. Hindi nito pinapalitan ang sariling pagsasanay o aktibong pag-iisip, ngunit nagsisilbing katuwang para mas mapadali at mas maging epektibo ang pag-aaral.

4. Rest Din Please

Sa kabila ng mga puyatan at all nighters, madalas ay nakalilimutan ang isang bagay sa maituturing din na importanteng bala pagdating sa giyera ng midterms– ang pahinga. Ang sapat na tulog at pahinga ay kritikal sa konsentrasyon, memorya, at ating cognitive performance. Saad nga ni Cholo ng College of Physical Therapy, “Importante talaga matulog, one time puyat ako nag-exam, naka-experience ako ng mental block. Inaantok din ako halfway [nung exam]. Which is why simula noon, (h)indi na ako nag-eexam nang walang tulog.” 

Ang sentimentong ito ay pinatutunayan naman ng National Sleep Foundation.  Ang mga estudyante raw na may regular na 7–9 na oras ng tulog bago ang pagsusulit ay mas mahusay sa pag-recall ng impormasyon at mas mabilis mag-react sa mga tanong. Ipinapakita nito na ang malinaw na utak ay mas matalas kaysa sa pagod na katawan, kaya’t kahit gaano kaabala sa review, huwag kalimutang maglaan ng oras para sa pahinga.

Hindi lang sa memorya kundi pati na rin sa disiplina at tamang paraan ng pag-aaral ang sinusubok ng midterms. Kapag pinagsama ang paulit-ulit na pagbabalik-tanaw, paggamit ng sariling learning style, maayos na paggamit ng study tools at AI, at sapat na pahinga, mas handa at confident ang estudyante sa pagsusulit. Kaya para sa bawat Haribon, kaya n’yo rin maging “Linda Walker” sa sarili ninyong paraan—kapag alam niyong gamitin nang tama ang oras, talino, at resources, mas mataas ang chance na makalipad nang matagumpay sa hamon ng midterms.

1
2.png
3
4
5
6