Limang Tips Para Maging Habulin (Haribon Edition)
Written by Francis Irvin Gonzales • Board by Brent Fernandez | 19 February 26
Sangkatutak na ang mga terminong ginagamit ng kabataan sa kasalukuyang dating scene. Lumipas na ang tradisyonal na panliligaw at panghaharana; ang laganap na sa Gen Z ngayon ay situationship, talking stage, self-love, at iba pa. Para sa karamihan, mahirap nang lakbayin ang modern dating hindi lamang dahil sa iba’t ibang katawagang ginagamit, kung hindi dahil na rin sa dumaraming panganib. Sa lumalabong eksena sa pag-ibig, narito ang mga payo ng mga Haribon para sa kapwa Haribon upang maging habulin.
#1. Kilalanin ang Babanggain mo
Sa kasalukuyang eksena ng pag-ibig kung saan walang kasiguraduhan ang iyong makikilala, lalo na sa online dating apps, mahalagang panatilihin ang kaligtasan ng mga haribon. Panandaliang fling man o long-term relationship ang hinahanap, marapat unahin ang sariling kaligtasan. Paalala ni “No to fellow Haribon” advocate ng College of Science, “Choose your fight, choose your risks.”
Matinik ang landas ng pag-ibig. At mas lalo pa itong masalimuot sa umiiral na tukso sa kasalukuyang eksena. Mula sa catfishing hanggang sa mga kaso ng cheating, mahirap ipagkatiwala ang puso. Maaaring makilala mo na ang The One, pero baka maging biktima ka rin ng pyramid scheme (ngi!). Munting paalala sa mga Haribon: kilatisin nang mabuti ang makikilala bago makipagkita.
#2. Bounce Na Agad
Sa simula’t sapul pa lang, tantsahin agad kung tugma kayo ng kinikilala mo. Ayon kay Hiraya ng College of Public Administration, mahalagang pakiramdaman kung tunay ang interes ng isang tao sa iyo. “If ma-feel mo pa lang na hindi siya interested sa’yo (kahit) nagsisimula pa lang kayo, ‘wag mo nang i-pursue,” dagdag pa niya.
Kapag may makikilala kang bago, mahalagang tingnan kung kayo ay nag-click o hindi. Ikaw man ay mayroong “date to marry” mindset o casual lang ang hanap, sinisipat na dapat kung swak ang pananaw niyo sa buhay at kung pareho kayo ng hinahanap. Malay mo, malalaman mo na lang bukas o makalawa na hindi pala kayo talo.
#3. Iwasan ang Pagiging Mapusok
Nakasanayan nang madaliin ang takbo ng buhay. Karamihan ay parang hinahabol ang susunod na tunguhin para lamang may mapatunayan sa ibang tao. Dapat makapagtapos agad ako. Dapat maabot ko agad ang mga pangarap ko. Dapat mayroon agad akong maipapakilala sa mga kaibigan at pamilya ko. Isang paniniwala na pinabulaanan ni Niki Enjoyer ng College of Science. “Hangga’t bata pa, mag-ingat sa dating. Let’s enjoy our life muna as a student, as an individual.”
Pagdating sa pag-ibig, madalas ay minamadali nating makakuha agad ng karanasan. Pero ang pag-ibig ay hindi nagmamadali o nawawala. Ang pag-ibig ay mapagpaumanhin at naghihintay; naghihintay hanggang ika’y maging handa. Sabi nga nila, ang buhay ay hindi isang karera. Maging sa pag-ibig, hindi kailangang makipag-unahan.
#4. Huwag Hayaang Mawala si Self
Hindi man natin gustong aminin, madalas ay nawawala ang sarili natin sa pagmamahal. Nagiging sentro ng buhay ang dapat ay palamuti lamang. Hindi ‘to ganap na masamang bagay, kundi isang tanda lang na gusto nating ibahagi ang pagmamahal mula sa atin na, kadalasan, ay nakakalimutan nang itira para sa sarili. Paalala ni Lovergirl ng College of Accountancy sa kapwa Haribon, “Hindi mo siya mundo; part lang siya ng mundo mo.”
Sa pagmamahal, mahalagang paglaanan muna ang sarili bago magsimulang ibahagi sa iba. Hindi ito pagdadamot o pagiging kuripot. Isang paalala lang na ang bawat tao ay may hangganan ang maipapamahaging pag-ibig.
#5. Isapuso: Hindi Sapat ang Pagmamahal
Mayroon tayong optimistikong pananaw pagdating sa pagmamahal. Ito ay sasapat na, sa harap ng kumakalam na sikmura o pagtutol ng ibang tao. Bagama't nakakataba ng puso ang ating mga fantasy sa pag-ibig, hindi ito ang reyalidad.
Sabi ni Wanderer ng College of Business Administration, “Sometimes, marami talagang factors na makaka-affect dun [sa isang relationship]. Pero if you’re willing to be with that somebody, love will conquer it all”.
May dahilan kung bakit ang salitang Love ay parehong pangngalan at pandiwa. Oo, isa itong konseptong nararamdaman ng bawat isa kahit hindi nasasalat. Ngunit isa rin itong pagkilos. Isang buong-pusong pagsisikap upang panatilihin at paigtingin ang pag-ibig na nararamdaman. Ang pag-ibig ay hindi nahahanap, kung hindi hinuhubog ng dalawang taong nagnanais makasama ang isa’t isa panghabangbuhay.
Hindi maikakailang malawak na ang kasalukuyang eksena ng pag-ibig. Samu’t saring termino na ang gamit ng bagong henerasyon para bansagan ang parehong pagmamahal na nararanasan ng bawat isa. Kung kaya’t ano na lamang ang kalituhan ng mga Haribon pagdating sa mahal-mahalan at ibig-ibigan na ‘yan.
Anuman ang pananaw natin sa pagmamahal, mahalagang alalahanin na ang dating ay hindi finish line, kundi isang maikli ngunit makulay na punto ng buhay lamang. Sa nakalipas na pagdiriwang ng Araw ng mga Puso, nasilayan ng bawat isa ang pag-ibig sa iba’t ibang anyo. Kasabay ng kasabikan ng mga Haribon na makaranas ng iba’t ibang uri ng pag-ibig habang bata pa, ay ang kagustuhan na maging ligtas upang walang-alinlangang malasap ito. Tunay nga, masarap ang magmahal. At mas sasarap pa kung ito ay nagbunga mula sa landas ng mga Haribon.







