M059 112225 - LATHALAIN

Lakambini ng Katipunan: Bagong Mukha sa Kabayanihan ni Oriang

Isinulat ni Dhave Montaniel • Ilustrasyon ni Jabiel Baliton | 25 November 25

Matapos ang halos sampung taon nang sinimulan itong gawin, mapapanood na sa mga sinehan ang pelikulang “Lakambini, Gregoria de Jesus.” Ito ay ang makasaysayang obra na nagbibigay-pugay sa tapang at katatagan ng babaeng minsang tinaguriang Lakambini ng Katipunan—si Gregoria de Jesus, o mas kilala bilang “Oriang.” Noong ika-23 ng Oktubre, ginanap ang isang espesyal na screening sa UP Film Institute (UPFI) sa University of the Philippines Diliman kung saan ipinakilala ng pelikula ang panibagong pagtingin sa isang kilalang tauhan ng rebolusyon. Sa likod ng mga sigaw noong himagsikan at ng mga dugong dumanak para sa kalayaan, ibinida si Oriang hindi lamang bilang ang lakambini ng katipunan, kung hindi bilang isang normal na babae na minsan na ring nagmahal, nagdusa, at nasaktan, ngunit nanatiling matatag sa gitna ng mga hamon ng buhay.

HIGIT PA SA PAKIKIBAKA

Ang mga pelikula na tumatalakay sa buhay ng isang bayani kagaya ng Heneral Luna (2018) ay umiikot sa kung paano sila naghimagsik at kung ano ang papel na kanilang ginampanan sa rebolusyon. Ipinakikita ng ganitong mga pelikula ang kanilang mga aksyon at sakripisyo upang makamit ang kanilang layunin, nang hindi nailalahad ang personal na karanasan at ang kanilang buhay bago magsimula ang himagsikan. 

Ngunit ang Lakambini ay masining na tinalakay na hindi lamang simbolo ng katapangan at ng sakripisyo ang mga bayani. Ang mga pangalan na nakalimbag sa mga librong patungkol sa kasaysayan ay may damdamin din at pagmamay-ari ng mga normal na tao; walang pinagkaiba sa kahit kanino, hindi buong buhay nasa gitna ng gulo.

MUKHA NG KABAYANIHAN

Ang Lakambini, Gregoria De Jesus ay nagbigay ng bagong mukha sa kabayanihan. Ipinakita nito na sila rin ay minsan nang lumuha at lumigaya. Mayroong mga sandali sa kanilang buhay na sila lamang ang siyang nakatamasa at mga panahon na nagpapatuloy lamang sila para sa sarili nila.

Naipakita sa pelikula ang iba’t ibang yugto ng buhay ni Oriang. Siya ay naging isang anak na madalas suwayin ang kaniyang mga magulang, isang ina na nagdalamhati matapos pumanaw ang kaniyang supling, at isang asawa na hinanap nang isang buwan ang bangkay ng kaniyang minamahal. Ang mga sandaling ito ang nagpaalala na ang mga bayani ay karaniwang tao lamang na pilit binibigyan ng kahulugan ang kanilang buhay sa kabila ng kanilang mga pinagdadaanan.

KASAMA SI ORIANG SA BAWAT LABAN

Sa panahong patuloy pa rin ang pakikipaglaban ng mga babae para sa pagkakapantay-pantay, si Gregoria de Jesus ay paalala na may puwang ang kababaihan sa kasaysayan at sa paghubog ng bayan. “Hindi pa tapos ang pakikibaka” sambit ni Fe Mangahas, isang Propesor at Historyador, sa isinagawang special screening noong ika-24 ng Oktubre. Umani ng palakpakan ang kaniyang talumpati na nagbigay diin sa patuloy na paglaban ng mga kababaihan—at gawing huwaran si Oriang sa bawat laban na kanilang haharapin.

Hindi siya nanatiling anino bilang asawa ni Andres Bonifacio, bagkus ay pinatunayan niya na kaya rin niyang maging haligi ng rebolusyon sa kaniyang sariling paraan. Sa kasulatan ng ating kasaysayan, matapang na tumindig si Oriang sa kaniyang pinaniniwalaan at hindi kailanman nilisan ang Katipunan kahit na gaano ito kadelikado para sa kaniyang kapakanan.

Si Oriang ay huwaran ng mga kababaihang patuloy na lumalaban, maging ito man ay sa mga hindi tipikal na digmaan. Mga laban na nangyayari sa araw-araw, sa bahay man o paaralan. Ang pelikulang Lakambini, Gregoria de Jesus ay nagpapaalala na ang mga bayani ay hindi mga nilalang na hindi tinatablan ng takot o sakit, sila ay ang mga tao rin—nagmamahal at bumabangon sa kabila ng pait.