KathNiel: Huling Pahina ng Isang Dekada
Written by Jamilla Marie Matias • Board by Mary Joy Cerniaz | 6 December 23
Isa ang “love team” sa mga kalinangang tanyag na walang dudang sinusuportahan at kinaaaliwan sa Pilipinas. Kaya naman nang umugong ang balitang hiwalayang “KathNiel” o tambalang Kathryn Bernardo at Daniel Padilla, hindi maiwasan ang kirot sa puso ng karamihan, bahagi man ng fandom o hindi. Sa tinagal-tagal ba naman ng kanilang pagsasama — mula reel to real, ang labing-isang taon ay tila ba naging kahapon na lamang.
Tinapos ng Instagram post ni Kathryn ang espekulasyon at agam-agam ng paghihiwalay nila ng kanyang long-time boyfriend na si Daniel. Walang isinaad na dahilan kung bakit, ngunit tagos-puso ang bawat salitang kaniyang sinambit. Tanda ng tunay na pagmamahal na kanilang pinagsaluhan.
Bagama’t nagsara na ang kabanatang ito ng kanilang buhay, hindi naman matatawaran ang markang iniwan nila sa bawat Pilipino sa pamamagitan ng kanilang mga pelikulang minsang pumuno ng takilya, mga teleseryeng inabangan at pinag-usapan, at ang mga aral na itinuro nito sa madla. Bitbit ang mga tagpong nagpaluha, nagpangiti, at nagpakilig sa milyong indibidwal na saksi ng kanilang tambalang naging pamantayan ng pag-ibig at tagumpay.
Mata ang unang nagmamahal
Sa mata marahil ng kanilang mga taga-hanga nagsimula ang pagmamahal at suportang kanilang nakamit. Sila ang unang nakapansin ng solidong chemistry ng dalawang aktor na tinangkilik at sinubaybayan ng maraming Pinoy.
Isa si Elaisa Jasmine Moreno ng College of Education (CED) sa libu-libong sumusuporta sa KathNiel. Para sa kaniya, ang nasabing tambalan ang naging isa sa rason kung bakit siya patuloy na naniniwala sa pagmamahal at sa sakit na dulot nito. At sa loob ng labing-dalawang taon ng pagiging die hard fan, ikinuwento niya ang mga bagay na nagawa niya para tangkilikin ang KathNiel gaya ng pagbili ng mga magazine at libro, pagtitiyaga dumalo sa mga pagtitipon sa kabila ng kumakalam na tiyan, at pag-aalay ng kanyang mga medalya at sertipiko sa mga ito upang ipabatid na isa ang nasabing tambalan sa dahilan kung bakit siya nag pupursigi sa pag-aaral.
Hindi man nagulat sa rebelasyon si Elaisa ay hindi pa rin naiwasan ang pighati para sa love team na sinubaybayan niya ng mahigit isang dekada. “Nung nabasa ko yung open letter ni Kath kay DJ, nasaktan ako, for 11 years kasi I was there, I witnessed how strong their love is. I cried, and until now masakit,” aniya.
Paglalahad pa niya, ang pinaka natutunan niyang aral bilang taga-hanga ay ang pagkatutong tumigil at magpahinga kapag hindi na kaya dahil ang pagmamahal ay di nauubusan ng oras. Humantong man sa dulo ang relasyong matagal niyang hinangaan, patuloy pa rin naman niyang susuportahan ang dalawa sapagka’t batid niya at naniniwala pa rin siya sa talentong taglay ng kanyang mga idolo.
Sa Susunod na Habang Buhay
Mahigit isang dekada ang pinagsamahan ng KathNiel —- sa likod man o sa harap ng mga lente ng camera. Nasaksihan ng mga tagasubaybay ang kanilang karera mula sa seryeng Growing-Up hanggang sa growing apart na pahinang ito ng kanilang buhay. Hindi man sumapat at umayon ang kanilang pagmamahalan sa ngayon ngunit magpapatuloy pa rin hanggang sa susunod na habang buhay ang mga alaalang inukit nila sa kultura, paniniwala, at prinsipyong kanilang itinuro.
At sa pagdating ng huling pahinang ito, higit pa sa two months, two-weeks, three-days, ten-hours at 57 minutes ng kanilang pagmamahalan ang babaunin ng mga taong sumuporta at patuloy na sumusuporta kay Kathryn at Daniel. Sinamahan nilang sumayaw ng sexy love ang kanilang mga taga-hanga sa rurok ng ligaya at kinantahan naman sa pighating nadarama.
Isa ang KathNiel sa may pinakamalaking fanbase sa bansa. Patunay ito ng matagumpay na karerang kanilang tinamasa. Kaakibat nito ang mata ng publiko na laging nagmamatyag at nag-aabang sa hakbang na kanilang tinatahak. At kagaya ng kanilang hiling, respeto’t pang-unawa ang kanilang nais. Dahil gaya ng mga pinagbidahan nilang serye’t pelikula, darating at darating talaga ang huling kabanata. Gaano man kaganda ang ikot nito, laging may hangganan sa bawat kwento.