Kanibalismo

Kanibalismo, ‘Di Dapat Tinitiis: Mga Tanda ng Toxic Relationship

Written by Dhave Montaniel • Boards by Shaquel Agumbay | 6 June 26

Pagmamahal, ang damdamin na nagpapatibok ng puso, nagbibigay kahulugan sa buhay ng mga tao, at siyang diwa na nagpapaikot sa buong mundo. Ito ang nagsisilbing pahinga mula sa lipunang magulo, nakakapagod, at mapanghusga. Ngunit sa kasamaang-palad, hindi lahat ng pag-iibigan ay tulad ng mga nasa pelikula. May isang tipo ng pagmamahal na lumalason sa sikmura, pag-iisip, at pagkatao ng kanyang mga biktima.

Ito ang uri ng relasyon na nagtatago sa kadiliman. Mapanakit, mapang-abuso, at negatibo ang epekto sa mental at pisikal na kalusugan; pag-ibig na maihahalintulad sa kanibalismo o “toxic relationship.” Ayon sa pag-aaral ni Ungvarsky (2024) na “Toxic Relationship,” may iba’t ibang senyales ang ganitong relasyon. Mga pahiwatig na hindi dapat tinitiis at binabalewala, nang hindi maging biktima ng pag-ibig na mapanlinlang at mandaraya.

𝗣𝗮𝗻𝗴𝗮𝗸𝗼 ‘𝗬𝗼𝗻 𝗦𝗮’𝘆𝗼

“Legit, love, I promise.”

Sa panahong mabilis magbitiw ng mga salita, ang mangako ay kayang gawin nang nakapikit ang mga mata. Ngunit ang problema ay hindi sa kung paano ito binitawan, kundi sa mismong hindi pagtupad sa sinumpaan. Dahil ang pagkadismaya sa pangakong  nakalimutan ay siyang magiging dahilan ng pagkasira ng pundasyon ng pag-iibigan: ang tiwala. Ayon kay Tran (2025), isang counselor, ang relasyon na walang tiwala o ‘di kaya’y mahina ay nagdudulot ng kapraningan at dahan-dahang pagkaubos ng sarili. Ang pagkawala rin ng tiwala ay nagbibigay ng oportunidad sa mga parasitiko tulad na lamang ng insecurity upang pasukin at kainin ang kumpiyansa ng isang tao.

𝗔𝘁 𝗠𝗮𝗴𝘀𝗶𝗴𝗮𝘄𝗮𝗻 𝗧𝗮𝘆𝗼

“The more you hate, the more you love.” Isang tanyag na katagang hindi angkop kapag relasyon na ang pinag-uusapan. Dahil ang pagmamahal ay wagas at mapagpalaya, hindi ito panlalait, paninigaw, at paninira. Ang palaging pagbibigay ng negatibong kritisismo o ‘di kaya’y panghuhusga sa kasintahan ay hindi patunay ng pagmamahal, ito ay galit o inggit na nakabalot sa maskara ng pagkalinga. Batay sa BetterHelp, isang website na nagbibigay serbisyo na therapy, sa sandaling ito ang maging ruta ng pagpapakita ng pagmamahal, mariing isipin kung ito ba talaga ay buhat pa ng pag-iibigan o ito’y dulot na ng hinanakit na noon ay hindi napagtuunan.

𝗠𝗮𝘆 𝗟𝗶𝗽𝘀𝘁𝗶𝗰𝗸 𝗡𝗮 𝗗𝘂𝗴𝗼

Anumang uri ng pananakit o aksyon na may layong manakit ay isa sa mga tanda na ang relasyon ay nasa punto na ng pang-aabuso. Ito ang itinuturing na  “non-negotiable” at sa lahat ng mga senyales, ito ang pinakanararapat na binabantayan. Sa puntong ito ay hindi na lamang basta-basta ang nakataya, kundi mismong buhay na ang nasa panganib. Sa sandaling manakit o magbantang manakit ang karelasyon, mahalagang  humingi na agad ng tulong sa mapagkakatiwalaang tao at awtoridad. Hindi ito dapat itrato bilang patunay na “mahal ka niya kung kaya’t sinasaktan ka,” ito ay malinaw na babala upang umalis at humingi ng tulong.

𝗦𝗮’𝘆𝗼 𝗟𝗮𝗻𝗴 𝗔𝗻𝗴 𝗣𝘂𝘀𝗼 𝗞𝗼

“Lason ang (toxic na) pagmamahal sa babaeng puno ng pangarap” Katulad ni George ng “The Hows of Us,” maraming kababaihan pa rin ang nahihirapang lisanin ang kanilang relasyon kahit gaano pa ito nakakapinsala sa kanilang sarili. Kahit na mismong pangarap, pagkakakilanlan, at kalusugan ang nakataya sa pananatili sa isang toxic na relasyon, hindi pa rin ganoon kadaling magdesisyon. Ayon sa pag-aaral nina Aquino et al. (2024), ang hindi paglisan ng karamihan ay maaaring buhat ng manipulasyon, ideya ng pagtitiis, o pananaig ng takot. Ang pananatili ng iba ay posibleng hindi buhat ng pagmamahal, kundi dahil sila ay biktima ng panlilinlang o ‘di kaya’y pagbabanta. Ang pagpapasya na manatili ay hindi rin agad na nangangahulugan sa kakulangan ng respeto ng tao sa sarili. Ang paglisan ay isang proseso at ang pagmamahal ay komplikado, hindi madaling piglasin ang puso mula sa taong minsan nang naging dahilan ng pagtibok nito. Tunay rin namang hindi madaling talikuran kung ano ang nakasanayan, ngunit ang paglisan sa relasyon na ganito ay hindi kawalan. Dahil ang kapalit ng pagtitiis nito ay kapayapaan at kapanatagan; ang pagpili sa iyong sarili ay simbolo ng katatagan. Kung kaya’t sa tuwing tumitila ang ulan, may bahaghari na pinapakita ang kalangitan. Ito ay paalala sa’yo na maaari ka muling magsimula kahit na naubos ka man sa bagyong nagdaan.

Sa isang toxic na relasyon, hindi lang puso ang nauubos, pati na rin ang kaisipan, katawan, at buong pagkatao. Dahil ang relasyon na may pang-aabuso ay walang pinagkaiba sa kanibalismo—ito’y nangangain at nakakasira sa lahat ng posibleng aspeto. Hindi lang puno ng katamisan, bulaklak, at Dubai chewy chocolates ang bunga ng pagkalipas ng Pebrero at Marso. Ito rin ay paalala na ang pagmamahal ay dumarating sa samu’t saring uri at anyo. Mga kagawian sa isang relasyon na nakakasama sa sarili, kung kaya’t dapat ay nararapat na alam ng bawat isa. Dahil ang pag-ibig ay hindi hahantong sa kanibalismo kung wari mo ang mga banayad na tanda nito.

2
3
4
5
6
7
8
9
10