Higit pa sa pagiging kabataan cover

Higit pa sa pagiging kabataan

Written by Vince Villanueva • Board by John Ivan Pasion | 29 August 24

Hindi na bago sa karamihan ang tingnan ang mga kabataan bilang musmos pa lamang, lalong-lalo na sa politika at pagiging kawani ng Sangguniang Kabataan (SK). Maliit man ang pagkilala sa mga kabataan sa larangan ng pulitika, hindi nasusukat sa edad ang maaari nilang maiambag para sa kani-kaniyang komunidad. Silipin natin ang mga proyektong naging handog ng ating mga Haribong kabahagi sa pagdiriwang ng International Youth Week.

Paghubog: Hindi maisasantabing proyekto’t plano

Kilala rin ang Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) bilang tahanan na naghuhubog ng mga mahuhusay na mga kabataan-lider ng mga organisasyon at konseho, sa loob man o labas ng Pamantasan. Isa na rito ang SK Chairman na si Cedric Elecho Rivera ng Barangay 166, Tondo, Manila na kasalukuyang kumukuha ng Bachelor of Science in Information Technology.

Pagpapatupad ng “printing project” ang nakikitang aktibidad ni SK Rivera para sa selebrasyon ng International Youth Week sapagkat aniya, mas hangad niya ang proyekto kung saan makikinabang ang kanilang barangay nang pangmatagalan.

“I’m looking at long-term initiatives that align with the priorities identified by the youth in our community. Based on a survey conducted among residents in our barangay, aged 15 to 29, the key priorities are Education, Health, Environment, Social Inclusion and Equity, Governance, [and] Economic Empowerment,” ani ni Rivera.

Kasunod nito, inaasam din niya na maging technology-inclined ang kanilang barangay sa pamamagitan ng kanilang sariling Identification Cards (IDs) bilang RFID technology upang makapanghiram ng gamit o magsilbing attendance tuwing may programa sa kanilang barangay. Pinapadali nito ang transaksyon at pagbabawas ng paggamit ng papel na sagot sa eco-friendly na komunidad.

Gayundin, para naman sa SK Chairman ng Barangay 86, Tondo, Manila na si Ritzmond Adam Tiocao na kasalukuyang magtatapos na sa kursong Bachelor of Science in Mechanical Engineering sa PLM, mas pagtutuunan niya ng pansin ang pagiging aktibo muli ng SK sa kanilang barangay sa pamamagitan ng isports at simpleng palaro’t kasiyahan para sa mga batang edad 1 hanggang 10. Proyektong makapaghuhubog sa kakayahan ng mga bata sa murang edad pa lamang partikular sa larangan ng pampalakasan.

“The difference ng Youth Week sa past years is that mas active ngayon kumpara dati. We will be conducting an event for kids ranging possibly from 1 to10 years old wherein magkakaroon ng mini party with clowns, foods, games, prizes and giveaways. Gusto ko [rin] sana maimplement is sports talaga kasi sa mga past few years, never naging active sa sports ang mga kabataan sa barangay namin,” saad ni Tiocao. 

Parehas mang estudyante ang dalawa sa Pamantasan at kasabay ng mga pagsubok sa akademikong aspeto, maayos na pagbabalanse sa oras at pamamahagi ng gawain sa kanilang mga kapwa SK ang naging susi nila parehas upang mapagsabay ang dalawang responsibilidad na ito. Alinsabay sa pagdiriwang na ito ay ang mga isyung patuloy na pag-atake sa karapatan ng mga kabataan lalo na sa politika.

Pagtindig: Ang sa kabataan ay para sa kabataan

Kasabay ng pagdiriwang ng International Youth Week ngayong Agosto, naging laman ng usap-usapan ang isyu ng pagkakatanggal ng kasalukuyang SK Federation President ng Maynila na si Councilor Juliana “Yanyan” Ibay bilang Chairperson ng Committee on Youth and Sports Development. 

Ayon kay Bise Alkalde Yul Servo Nieto, isa sa mga rason sa pagkakatanggal ni Ibay ay ang mababang performance nito sa konseho at hindi ganoong pagtupad sa mga tungkulin. Kung kaya’t suhestyon ni Nieto na muling patunayan ni Ibay ang kaniyang sarili at alalayan ‘di umano ang “bunso” ng konseho.

Subalit ang pagkatanggal sa posisyon ay taliwas sa nakasaad sa Republic Act 10742 o SK Reform Act na inamyendahan ng Republic Act 11768, kung saan ang maluluklok na SK Federation President ay magiging miyembro ng Sangguniang Panlungsod at magiging Chairperson ng nasabing komite. 

Ang pagkatanggal ay umani ng samu’t saring opinyon gaya na lamang ng paglabag sa batas, pagtanggal ng representasyon ng kabataan sa konseho, at kung paano isinasantabi ang kahusayan ng kabataan sa ating politika. 

Naging usap-usapin ang isyung ito lalo’t higit dahil ito’y direktang pagsasawalang-bahala sa batas at hindi naka-angkla sa makataong solusyon.  Kung kaya’t maraming mga kabataan-lider ang sumusuporta sa pagtindig ni Councilor Ibay.

Sa huli, higit pa sa tipikal na pagdiriwang– ito ay selebrasyon ng pagtindig at paghubog ng mga kabataan. Talino’t husay ang naging puhunan ng mga SK mula sa PLM upang magsagawa ng mga proyektong maghuhubog ng mga kabataaan sa kanilang komunidad. Bagama’t patuloy ang mga ganitong isyu, hindi rito nakukulong ang depinisyon bilang kabataan, sapagkat higit pa sa pagiging musmos ang kaya nating maiambag.