Diwa at Damdamin sa mga Ani ng Sining

Diwa at Damdamin sa mga Ani ng Sining

Written by Jamilla Marie Matias • Board by John Ivan Pasion | 1 March 25

Taong 1991 sa bisa ng Proklamasyon 683, idineklara ang Pebrero bilang Pambansang Buwan ng Sining sa Pilipinas upang kilalanin at bigyang pugay ang kahusayan sa sining ng mga Pilipino higit lalo sa hindi matatawarang ambag nito sa pagpapalawak ng kasaysayan, kultura, at tradisyon ng bansa. 

Ngayong taon, sa tema nitong “Ani ng Sining: Diwa, at Damdamin” layunin ng okasyong ito na mabigyang diin ang ugnayan ng tao sa sining at kung paano nito hinuhubog ang diwa at damdamin ng bawat isa. Ayon sa National Commission for Culture and the Arts (NCCA), ang pagkamalikhain ng isang bansa ay naka-ugat sa ispirituwal at kaluluwa ng isang indibidwal kung kaya ito ay maituturing na katuwang sa pagpapahayag at nagtutulak tungo sa paglikha ng isang obra maestra. 

Para sa Lahat

Pinasinayaan ang pagdiriwang sa Buwan ng Sining noong Pebrero 1 at 2 sa Open House Festival ng Cultural Center of Philippines (CCP). Dala nito ang hangaring para sa lahat na may mithiing umani ng mga manonood upang magsaliksik, magpaabot suporta, at ipagdiwang ang mayabong na sining sa Pilipinas. Bukod dito, malaki rin ang pagnanais ng CCP katuwang ang NCCA na pagkaisahin ang iba’t ibang komunidad upang hubugin at patuloy na ingatan ang mayamang kultura at tradisyon sa bansa. Naganap ito hindi lamang sa Kamaynilaan ngunit pati na rin sa mga rehiyon ng Pampanga, Batangas, Negros Occidental, Sorsogon, Iloilo City, at Tagum City (Davao del Norte) kung saan iba’t ibang klase ng sining ang ipinamalas. 

Nakapaloob sa dalawang araw ng kapistahan ang samu’t saring aktibidad at programang nakasentro sa mga pagtatanghal ng mga katutubong sayaw, kanta, at mga teatrikong palabas. Kabilang rin dito ang libreng paglilibot sa iba’t ibang museo at ang pagtatampok ng mga produkto at pagkaing lokal na makikita’t mabibili sa kanilang tinatawag na Pamilihan. Samantala, hatid din ng Pasinaya 2025 ang ilang mga workshops na may layong maghatid ng aral, disiplina, at mas lalo pang ipakilala ang kagandahan ng sining sa madla. 

Mga Kuwentista

Sa kabilang banda, isinusulong naman ng Philippine Educational Theater Association (PETA) sa pamamagitan ng kanilang Control + Shift: Changing Narratives Festival, ang muling pagbabalik at pagbibigay buhay sa mga kwentong Pinoy. Dala nito ang layuning maimulat ang mga manonood sa mga suliraning panlipunan at kung paano nito patuloy na binabago ang pananaw ng bawat isa.

Tinalakay sa proyektong ito ng PETA ang iba’t ibang paksang nakasentro sa mga balikong paniniwala ng mga Pinoy sa panahon ng digital transformation at kung paano nito naimpluwensyahan ang halaga ng kamalayang kanilang tangan. Hatid ang kagustuhang makapagbigay plataporma, maimulat ang masa, at magkaroon ng kolektibong aksyon tungo sa pagbabago. 

“Our craft isn’t just about entertainment, our stage has always been a laboratory for change, where artists and audiences collaborate to challenge the status quo and imagine new possibilities. In this era of narrative battles, how do we harness our artistic voice to create meaningful shifts? How do we shape a reality that truly empowers, liberates, and transforms?” pahayag ni J-mee Katanyag, PETA Artistic Director. 

Pagbabahagi pa niya, lahat ng mga tao’y kuwentista sapagkat kalakip ng buhay ang mga kwentong naibabahagi dulot ng mga karanasan na siyang humuhubog sa kung paano tignan ng isang indibidwal ang mundong kanyang ginagalawan. Aniya’y susi ang mga kwentong ito sa pagbabago at pag-unlad ng sariling nasyon. 

Ani ng Pamantasan

Sa Pamantasan, damang dama rin ang nag aalab na damdamin para sa sining. Kamakailan lamang nagkaroon ang PLM Independent Film and Arts (PIFA) ng isang workshop upang ibahagi ang karilagang taglay ng paggawa ng pelikula na siyang pinangunahan ng ilang mga kabataang direktor. Kinabibilangan ito ni Jaed Ababao, alumni ng PLM na nagkamit ng ilang mga parangal sa mga pelikula nitong “Para Po!” at “Fitted”. Kasama niya sa pamamahagi ng aral at karanasan sina Charlie Vitug mula De La Salle-College of Saint Benilde (DLS-CSB) at Joshua de Vera mula Polytechnic University of the Philippines (PUP) na parehong umani rin ng mga pagkilala at parangal sa kanilang mga likhang pampelikula. 

Samantala, ipinamalas naman ng Magwayen Creative Scholars’ Guild (MCSG) ang kanilang talento sa pagsasagawa ng isang teatrikong musikal. Para kay Jan Ella Almerol, manunulat sa nasabing produksyon, dinala siya nito sa isang paglalakbay sa kasaysayan. Bagamat nakadama siya ng kaba, lubos naman niyang ikinagagalak ang naging resulta ng kanilang dula. 

Daan din umano ang palabas sa higit pang paglawak ng sining sa Pamantasan. "It gave a platform to empower the theatrical culture that we have in PLM, nagbigay inspirasyon ito sa mga iskolar na ipagmalaki ang sariling atin. Ang Magwayen ay hindi lang isang dula, ito ay isang kilusan, isang patunay na may boses ang sining, may kapangyarihan itong magmulat, magturo, at magpabago", aniya.

Magtanghal at itanghal, magpakilala at kilalanin, lingapin at tangkilikin. Sapagkat sa patuloy na pag-inog ng mundo, sining ang kumukulay sa buhay ng bawat tao. Nawa’y higit pang dumami ang nagmamahal at nagtataguyod nito. Mas lalo nawang mabigyang espasyo ang mga kathang sumisimbolo sa boses at pagkakakilanlan nating mga Pilipino. Lagi’t laging isasadiwa at dadamhin lahat ng ani ng sining.