Ano’ng Kasalanan, Para Kalimutan?
Written by Christian Cillo • Board by Krystal Arianna Puzon | 25 August 26
May mga payo, aral, at kuwentong dinadala ang ating wika. Sa bawat salitang binibigkas, may kasaysayang kumakapit sa dila; sa bawat kuwentong isinasalaysay, may kulturang muling nabubuhay. Ngunit hindi lahat ng wikang minsang namayani ay nagagawang manatili. Ilan sa mga ito ang nalilimutan, humihina ang paggamit, at kalauna’y namamatay. Kasabay nito ang pagkapawi ng mga kuwentong hindi na muling maisasalaysay, mga kaugaliang hindi na maipamamana, at isang bahagi ng ating pagkakakilanlang unti-unting binubura ng panahon.
Kung mayroon mang karapat-dapat dalhin habang tayo’y tumatanda, ito ay ang tinig ng mga wikang minsang nagkuwento kung sino tayo. Ngunit unti-unti nang nanahimik ang wikang nagsilbing tahanan ng mga payo, kuwento, awit, at aral. Kapag wala nang bibig na bibigkas at taingang makikinig sa mga ito, sino ang magpapatuloy ng mga salitang minsang nagbigay-buhay sa isang kultura?
Epidemya ng demensya
Hindi yata talaga nagtatagal ang mga magagandang bagay. Maging ang mga wikang minsang buhay na buhay sa mga labi ng isang pamayanan ay unti-unting nananahimik, hanggang sa tuluyan na lamang maging alingawngaw ng nakaraan. Kumalat ang epidemya ng sakit na mala-demensya, at ang ilan sa mga katutubong wika ay naibaon na, habang ang iba nama’y nakikipagbuno upang manatiling buhay. Kumonti na ang mga taingang handang makinig.
Ayon sa Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), limang katutubong wika sa Pilipinas ang itinuturing nang patay, habang apat naman ang may napakakaunting tagapagsalita. Kabilang dito ang Arta sa Quirino na 11 na lamang ang nagsasalita, Inata sa Negros Occidental na 30, Inagta Iraya sa Camarines Sur na 113, at Ayta Ambalá sa Zambales na 125.
Sa bawat salitang hindi na binibigkas, tila may kuwentong unti-unting kumukupas. Mga awit na hindi na maririnig, mga kuwentong hindi na maikukuwento, at ang pagkawala ng komunidad na pinanggagalingan nito. Sapagkat kapag namatay ang isang wika, hindi lamang mga salita ang nawawala—kasama ring nawawala ang isang bahagi ng mundong minsang nabuhay sa pamamagitan nito.
Noong sari-sari ang wika
Nagsisilbing daluyan ng kultura ang bawat katutubong wika—tagapagdala ng mga kuwentong nagmula sa nakaraan, mga awiting nagbubuklod sa pamayanan, at mga kaugaliang ipinapasa mula sa bibig ng matatanda tungo sa tainga ng kabataan. Bago pa man mapasailalim ang bansa sa kamay ng mga mananakop, namayani na ang sari-saring wika sa paghubog at pagpapahayag ng pagkakakilanlan ng mga katutubong pamayanan.
Patunay nito ang mga epikong umusbong mula sa iba’t ibang pangkat-etniko. Ayon sa National Commission for Culture and the Arts (NCCA), sa mga epikong tulad ng Guman ng mga Subanon, Darangen ng mga Maranao, Hudhud ng mga Ifugao, at Ulahingan ng mga Manobo ay magkaakibat na naisalaysay ang pakikipagsapalaran ng mga tauhan, pati na rin ang mga paniniwala, kaugalian, pagpapahalaga, at mithiin ng kanilang mga komunidad. Sa ganitong paraan, ang wika ay hindi lamang naging kasangkapan sa pakikipagtalastasan, kundi nagsilbi ring susi upang muling mabuksan ang mga pahina ng kasaysayan.
Wikang binukot ng kahapon
Sa bawat wikang unti-unting nananahimik, may mga kuwentong kasabay na kumukupas—mga konseptong maaaring wala nang eksaktong katumbas, at mga pananaw na maaaring tuluyang mawala. Ayon sa UNESCO, kasama sa nanganganib na mawala sa pagkamatay ng katutubong wika ang kaalamang minana mula sa mga ninuno, mga pagpapahalaga, at mga natatanging paraan ng pag-unawa sa mundo na nakapaloob dito.
Gaya ng pagbubukot, isang tradisyon sa ilang pamayanang Pilipino kung saan inilalayo o ibinubukod ang isang dalaga bilang bahagi ng paghahanda sa pag-aasawa, maaaring mawala rin ang kahulugan nito kapag nakalimutan ang wikang nag-iingat sa mga kuwento at paniniwalang nakapalibot dito. Isang pamamaalam hindi lamang sa wikang unti-unting nanahimik, kundi pati na rin sa kultura at tradisyong minsang nabuhay sa bawat pagbigkas nito.
Kapag ang isang bagay ay tumatak sa ating isipan, hindi na ito mabubura pa. Mga payo ng ating mga magulang, mga chika at istorya ng ating mga kaibigan, at ang mga aral ng ating mga guro ay nananatili pa rin ang alingawngaw sa ating isipan kahit ito ay nakalagda na sa nakaraan.
Subalit ang ating wika na nararapat na mabitbit pa ng susunod na salinlahi ay unti-unti nang nagwawala. Ano na lamang ang matitira upang kanilang mamana? Maaaring hindi kalaunan ay mapalitan ng mga banyagang impluwensiya ang mga kuwentong dapat sana’y nag-uugnay sa kanilang pinagmulan. Hindi naman isang bayani ang wikang dahil lamang sa atin ay mamatay.
Sa paglipas ng panahon, ang ilang wika, na minsan ay namayani at parehong namalagi sa ating isipan, ay unti-unti nang nakalilimutan, kasabay ng mga kuwentong dapat sana’y tumatak din sa ating alaala. Kung ang mga payo, kuwento, at aral ay karapat-dapat na tumatak sa ating alaala, ano’ng kasalanan ng isang wika para kalimutan?
