Ang Aking Kanlungan cover

Ang Aking Kanlungan

Written by Estelle Theresa Gulay • Board by Elyse Abadilla | 13 May 24

Minsan nang sa atin ay nabanggit–“ang ina ang ilaw ng tahanan.” Mukhang hindi naman nagkamali ang mga gurong nag-ani bagkus dinaig ni nanay ang liwanag at init na hatid ng araw sa kaniyang kakayahang magpamulat sa akin. “Bumangon ka na, tanghali na!” ang bungad sa aking umaga, kasunod ang paroo’t parineng sermon na madalas ay labas pasok na lamang sa aking tainga. 

Ilaw ka nga ng tahanan, ina. Tunay na nariyan para ako’y gabayan sa aking bawat hakbang, mula sa pagkasilang hanggang sa pagtanda. Hanggang sa pagtanda na ako’y mayroon nang sariling kaisipang ibig kong ihayag ngunit inanino ng tingkad ng ‘yong liwanag; nagahis ng iyong mga salita–ng iyong mga pangaral na tila ‘di dapat pabulaanan. 

Subali’t sa kabila ng inis sa madalas mong pagwakas sa aking tinig; sa bawa’t utos at bukambibig, ikaw, ina, ang ilaw na gumabay patungo sa kasalukuyan kong katayuan. Bagama’t nakaririndi, ang tilaok mo sa umaga ang dahilan ng pagtindig ko sa bawat hamon ng araw. Bagama’t pumpantig ang tainga, ang ‘yong wika ang hinahanap sa mga oras na tila ako’y nawawala–sa mga panahong katawan ko’y bumibigay, isip ko’y pagal, at dibdib ko’y kay bigat.  At tulad ng ibang mga ina sa mundo, ang tingkad ng ilaw mo’y hindi kayang maantala sa apat na sulok ng bahay na ito. Sapagka’t ang ‘yong sirang plakang mga paalala’y nanuot sa puso’t isipan. ‘Di namamalayang bitbit sa bawat pasilyong pinaroroonan–tila bait na umakay sa akin sa tamang landas at sa aki’y nagtalaga ng kagandahang asal, disiplina, at takot sa Maykapal. 

Kung minsa’y napapaisip, hindi kaya napupundi ang ‘yong ilaw nanay? Sapagka’t sa kabila ng hirap at bigat ng responsibilidad sa pagdadala ng isang buhay sa loob ng siyam na buwan; ng walang patid na pagod at puyat mula sa pag-aruga ng isang musmos kahit na ito’y natuto nang tumayo sa sariling mga paa; sa araw-araw na pagsasakit na maghanapbuhay, matapos ay uuwi at gagampanan ang marangal na tungkuling pambahay–nagsusumikap harapin ang tumpok ng labahin at ligpitin, sinisiguradong ang pamilya’y aalis at uuwi nang may pagkaing nakahain, at matamo ang kagustuhan ng mga supling kung mamarapatin–ay wala paring palya ang iyong bibig. Walang palyang nagpapahiwatig ng paalala, suporta, at ng mga katagang “mahal kita” kahit noo ko’y kunot na at ang wika mo’y labas sa tainga. 

Kaya’t hindi na ako magtataka kung kanila ngang sabihin na ikaw, ina, ang ilaw ng tahanan natin. Ngunit para sa akin ay hindi lamang liwanag ang ‘yong hatid–ikaw rin ay haligi tulad ng bawat ama; isang kumot na anumang oras ay magpapainit sa malamig kong mga gabi; isang superhuman na hindi nauupos at tila sa bokabularyo’y hindi kilala ang salitang “pagsuko.” Hindi lang ikaw ang ilaw ng tahanan, ina. Ikaw ang aking tahanan–ang aking kanlungan. At sa bandang huli, sa kabila ng iyong paroo’t parineng pangaral na sumasalubong sa bawat sikat ng araw, ang katahimikang dama sa yakap mo ang parating pinaroroonan sa tuwing humihikbi–sa iyong piling pa rin uuwi.