M168 040926 - Hindi Tayo Bayan ng Mga Talunan

Hindi Tayo Bayan ng Mga Talunan

Written by Francis Irvin Gonzales • Board by Jabiel Baliton | 10 April 26

Mula sa mga pelikula hanggang sa mga teleserye, palaging nakataya ang mga Pilipino sa mga dehado. Hahayaan munang mabugbog, maalipusta, duraan, at tapak-tapakan ang bida upang magmukhang kaawa-awa. Para mas kasiya-siya sa dulo. Para mas nakakakuntento kapag bumuwelo na ang bida at magsimulang pagbabarilin ang mga kalaban. Mahirap na hindi ihalintulad ang mga gawa-gawang kuwento ng mga telenovela sa totoong buhay ng mga Pilipino. Sa teleserye ng Pilipinas, bida pa bang maituturing ang mga Pilipino na dekada nang inaalipusta?

Sa tuwing nanonood tayo ng mga palabas sa TV o sa sinehan, palagi nating iniisip na malamang sa malamang, tayo ang bidang karakter sa iskrin. Ang bidang sasagip sa batang na-kidnap, tutulong sa matandang inaapi, sa masang hinahamak. Pero pag-alis sa tapat ng TV at sa paglabas ng sinehan, bumabalik tayo sa pagiging ekstra. Hindi man natin gustong aminin, sa mga teleserye o pelikula, tayo ang mga ekstra—nakikiusyoso, hindi priyoridad, at malamang sa malamang, ang inaapi’t inaamis. 

Nitong mga nakaraang linggo, nakita muli ng mga Pilipino na pagdating sa mga krisis, nangunguna tayo sa hulihan. Sa pag-aray ng mga tsuper sa pagtaas ng presyo ng krudo, limang pisong taas sa pamasahe ang tanging hinaing nang mapagaan ang kanilang pasanin. Sa limang pisong hinihingi, piso ang ibinigay na kalaunan ay binawi. Ngayon, karaniwang tagpuan na ang bangayan ng pasahero at tsuper sa kulang na sukli.

Patuloy ang pagbanat ng buto ng mga Pilipino sa gitna ng lumalalang krisis sa krudo. Ang mga tindera sa palengke ay naghahanap ng mga bagong suki; ang mga kontraktuwal na empleyado ay tumatanggap ng karagdagang oras sa trabaho; ang mga rider at tsuper ay nagdadagdag ng pasada. Ang parehong pagtatrabaho ng mga bidang napapanood sa mga pelikula. Ang tanging kaibahan? Madalas ay hindi nagtatapos ang pagkayod ng masa.

Bilang mga ekstra ng teleserye ng Pilipinas, tayo ang patuloy na dumadaing nang magsimulang tumaas ang krudo nang sampu, dalawampu, at nagtuloy-tuloy pa. Gaya ng dati, ipinapasa ang pagkabigo ng tungkulin ng pamahalaan sa kamay ng masa. Sa pisong pinagkait, nagawang ituon ang pansin sa kapwa Pilipinong naghihirap, hindi sa pamahalaang patuloy na pinapabayaan ang masa. 

Kay tagal nang dehado ang mga Pilipino. Ilang dekada at henerasyon nang isinasantabi ang mga hinaing at pinagbabalewala ang mga panawagan. Ang tagal na nating naghihintay na makabawi ng lakas—senyales na magbabalik na ang bidang Pilipino, senyales na ito na ang comeback ng bayang inapi.

Puwede tayong maghintay ng sasagip sa atin tulad ng sa teleserye, pero ang mapait na katotohanan ay walang darating. Walang tagapagtanggol. Walang tagapagligtas. Walang bayani. Kung hindi ang ating mga sarili.

Ang mga komyuter ay patuloy na naghihintay sa mga pampasaherong sasakyan na hindi darating—itinigil na ang pasada dahil masyado nang mabigat sa bulsa ang taas-presyo ng gasolina. Sa gumugulong na impeachment case ngayon ng isa sa mga pinakamataas na opisyales ng bansa, sa mga panawagan na maagapan ang tumataas na presyo ng krudo at bilihin, sa patuloy na dinadaing na paghihirap ng mga Pilipino, dapat ang mga ekstra naman ang mauna. 

Tinitingala man natin ang mga bidang nabubugbog, inaalipusta, at pinagtutulungan sa mga pelikula, hindi natin kailangang dumaan sa parehong danas upang maging “karapat-dapat” sa marangal na pamumuhay. Hindi man tayo marunong bumunot ng baril nang mabilis, tumalon mula sa ikasampung palapag ng gusali, o makipagsuntukan sa sampung tao—hindi ibig sabihin nito na hindi na tayo ang bida sa teleserye ng bansa.