Bagong ako sa bagong taon

Bagong ako sa bagong taon

Isinulat ni Jan Rennie Abat • Ilustrasyon ni John Ivan Pasion | 31 January 25

Isang mahigpit na yakap sa sarili kong naitawid ang ika-unang buwan ng panibagong taon.

Humupa na ang mga paputok. Naubos na ang handa sa hapag-kainan. Tahimik na ang mga kalye at natapos na rin ang pagkakaraoke. Lumipas man ang selebrasyon, dala-dala ko pa rin ang pagsibol ng pag-asa.

Dahil kung babalikan lang din ang nakaraan, may mga araw kung saan inakala kong hindi na ito matatapos. May mga linggong ang mga pinagdaanan ay hindi na madaan sa biro. Hanggang sa bawat buwan ay unti-unti akong nauubos. 

Paulit-ulit kong binabalikan ang mga pangyayari sa aking isipan. Pupuslit ang mga nakakapagpabagabag na katanungan. Saan ba ako nagkamali? Ano pa nga ba ang dapat kong ayusin sa aking sarili?

Sa iba’y ito na ang mag-ehersisyo, matuto ng bagong kinahihiligan, o kaya'y galingan pa lalo sa pagdating ng pasukan. Para naman sa bagong ako, ito ay pagpapahalaga sa mga taong itinuturing na pamilyang hindi nawala ang suporta. Ito ay ang pagpapayabong ng mga pagkakaibigang kabutihan ang ipinapadama. At sa kabilang banda nito’y tuluyang iiwanan iyong walang bakas ng pagpapakatotoo.

Higit sa mga ito, ako ay nangangako sa aking sarili. Susubukan kong mamuhay nang makabuluhan, kahit kakaunti lamang. Pipiliin ang sariling kasiyahan. Pipiliin ang sariling kapakanan. Susubukang ibigin ang sarili sapagkat sa taong ito, ako naman. 

Dahil kung haharayain lang din ang hinaharap, mistulang mabilis lang din naman kung lumipas ang panahon. Na para bang kwitis na siniklaban. Gagawa ng ingay– pheew at kaboom! Isang makulay na pagtatapos.