Samu’t Saring Krisis, pero Thesis ang Inaatupag Ko
Written by Francis Garra Gonzales • Illustration by Miaka Byonne Cha | 25 May 26
Sa dinami-raming krisis sa loob at labas ng bansa, mahirap na hindi malugmok sa pagkabigo. Walang tigil na nagbuklod-buklod ang mga tao sa pagtugon sa mga suliraning ito, dahil sa ganitong paraan lamang tayo makakaalpas. Pero bakit imbis na tumulong ako sa pagkampanya sa mas makataong paglutas sa mga krisis, ang mga revisions ng thesis ang inuuna ko?
Isang buwan, mayroong tigil-pasada ang mga tsuper ng pampasaherong jeep dahil sa ‘di makamasang modernisasyon. Sa susunod na buwan, mayroong krisis sa maanomalyang proyekto ng pamahalaan. Ngayong buwan, inaantabayanan ang sigalot sa Gitnang Silangan, nang makutuban ang pagsipa ng presyo ng langis at mga bilihin. Sa pabago-bagong krisis sa mundo at sa bansa, inaasahan pa rin ang kabataan na ipagpatuloy ang pagpapabuti sa pag-aaral. At ito ako, sunod-sunuran sa kapritso ng kung ano ang “normal.”
Hindi lang ito ang kasalukuyang sitwasyon. Dati pang nangyayari ito. Nang piliin kong mag-aral para sa mga pagsusulit sa halip na suportahan ang pagkundena sa Anti-Terror Law. Noong pinili kong intindihin ang online classroom imbis na makiisa sa mga panawagan online para sa agarang pagresolba ng mga suliraning buhat ng pandemya. Nang mas minabuti kong tapusin ang isang presentasyon kaysa sa pagsuporta sa pagsusog ng impeachment ng bise presidente.
Maging nang patayin ang mga kapwa kong iskolar sa gutom, sa kahirapan, at sa bala at kasinungalingan ng estado, ipinagpatuloy ko ang pag-aaral ko.
Marahil ang mga suliraning ito ay sinadya upang mapilay ang kabataan sa pakikibahagi sa mga diskusyon at sa pagkakaroon ng makabuluhang kontribusyon para sa masa. Marahil din na ang kasalukuyang neoliberal na sistema ng edukasyon ay sinadya upang malihis ang atensyon ng kabataan sa malalaking isyu ng lipunan.
Pinangatwiranan ko ito bilang aking natatanging ambag–isang baluktot na paniniwalang ang maitutulong ko sa lipunan ay tapusin ang kurso ko nang mas handa akong maglingkod sa bayan sa hinaharap.
Ngunit ang pinagbabanatan ng buto kong paglingkurang bayan at kapwa ay umaangil at humihingi ng tulong ngayon. Hindi naghihintay sa hinaharap kung saan mas may maipagmamalaki akong titulo. Patuloy na tumatangis ang mga maralitang nais kong pagsilbihan sa paglala ng mga krisis at pagdating ng panibagong suliranin. Hindi naghihintay ng mas “qualified” na indibidwal ang Pilipinas. Kailangan lamang ng mga sabik at handa.
Siguro nga, ang pagtatapos ng pag-aaral ang aking natatanging ambag para makatulong sa pagbuo ng mas makamasang lipunan. Siguro nga ang tanging magagawa ko lamang ngayon ay tapusin ang mga revisions sa thesis. Ngunit ang mga krisis na ito ay nakakaapekto sa lipunang kinagagalawan ko ngayon. Hindi sa makalawa, hindi kapag naaprubahan na ang thesis, hindi sa pagtanggap ko ng diploma. Walang silbi ang aprubadong thesis kung walang lipunan na paglalapatan ng mga pagtuklas nito.
