Paskuhan sa Pamantasan cover

Paskuhan sa Pamantasan: Pagbibigayan sa Gitna ng Pagmahal ng Kabayaran

Written by Jan Rennie Abat • Board by Mary Joy Cerniaz | 31 December 23

Sa pagdaan ng halos isang linggo matapos ang Pasko ay huni pa rin ng All I want for Christmas ang madirinig sa tuwing papasok sa mga bilihan. Hindi lang mga naggagandahang Christmas tree, handaan, at regalo ang laman ng newsfeed dahil pati ang mga memes ni Jose Mari Chan ay nariyan pa rin. Gayunpaman, sa kabila ng nakatutuwang mga larawan ay tila idinaos ng karamihang ordinaryong Pilipino ang Kapaskuhan nang may sakit sa bulsa buhat ng mataas na presiyuhan sa bansa.

Sinalubong ng pagpalo ng inflation rate sa 6.1 porsento mula 5.3 ang unang buwan ng ber months batay sa ulat ng Philippine Statistics Authority. Buhat nito’y nanatiling hamon para sa mga karamihan ang maipagdiwang ang Kapaskuhan sa huling buwan ng taon. Bukod sa salo-salo sa Noche Buena pagpatak ng ika-25 ng Disyembre ay nariyan rin ang mga kinagawiang paghahandog sa nangangaroling, reunion kasama ang mga kamag-anak, at pagkakaloob ng mga regalo. Ang kaliwa’t-kanang gastusin kung tutuusin ay hindi maipagkakailang isang pagsubok, higit pa sa kasalukuyang panahong isang libo’y tila hindi sapat. 

Ngunit katulad lamang ng mga nagdaang taon, hindi ito hadlang upang ibahagi rin sa iba ang saya ng Kapaskuhan. Kalahok sa pakikibahaging ito ang iba’t-ibang organisasyon sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) na nagbigay ng donasyon at nagsulong ng mga programang nakaiinit ng damdamin sa malamig na simoy ng hangin. 

PARA SA MGA BATA

Makikita ang mga smiley face, bituin, at puso sa makulay na pulseras na yari ng PLM Children’s Rights Advocates League (CRAdLe). Nagawa nilang magbigay ngiti sa mga labi at ipadama sa mga bata na sila ang star ng pasko sa pamamagitan ng mga donasyon at beaded bracelet na na kanilang hinulma ng may puso. 

Ayon sa Vice-President for Internals Affairs ng PLM CRAdLe at project head na si Arianna Ramos, “It was very heartwarming that we were able to celebrate this season in such a meaningful way… In every event naman, whenever we spend time with the children, we always go home with happy and fulfilled hearts.”

Sa tulong ng kanilang 3-day donation drive na “Pamaskong Handog: Pasko ng mga Bata”, pagbebenta ng mga natirang beaded bracelets, at ang “Adopt-a-child” na programa ng Holy Trinity Academy ay naabot nila ang humigit-kumulang 600 na bata sa Sampaloc, Manila noong ika-16 araw ng Disyembre. Hindi lang dito natatapos ang pagtulong, dahil kung mayroong regalo para sa mga bata at ay mayroon din handog para sa ating mga manggagawa.

MULA SA KABATAAN

Dala-dala ang prinsipyong makatulong at ibsan ang paghihirap ng iba, nabuo ang “Lovingly Youth” ng Manila Red Cross Youth (RCY). Katuwang din ang PLM RCY sa pag-aayos ng mga donasyon, at sa ika-14 taon ng programang ito ay nakapagbigay sila ng Noche Buena package sa halos 120 cancer patients ng Bahay Aruga at blue-collared workers ng Maynila. 

Isa sa mga sandaling hindi malilimutan ni Zhaira Blanco, Public Relations Officer ng Manila Chapter Youth Council at project head ng Lovingly Youth, ay ang pagtulong sa isang kaminerong may edad na at hirap pa sa pagdinig. Dali-dali ang pagbuhos ng luha ni Nanay nang abutan siya ng mumunting regalo para sa Pasko– at isang taos-pusong “Salamat!” ang naging paalala sa halaga ng patuloy na pagbibigay ng serbisyong boluntaryo.

“Honestly, as the project head, I wish we could've accommodated more volunteers to help distribute the donations so more people, particularly the youth, would have a deeper sense of empathy and compassion for others. Kaso since humanitarian organization ang Red Cross and we don't really have a set budget, very very limited lang talaga ang resources…”, ani Blanco.

Tunay ngang kay hirap panatiliin ang nakagawiang selebrasyon ng Pasko sa gitna ng pagtaas ng mga presyo.  Gayunpama’y tanyag pa rin sa karamihan ang paghahari ng  diwa ng Pasko— nagsasalo-salo kasama ang mga kapamilya at bitbit ang ngiti at mga iniwang regalong handog ng iba’t-ibang organisasyon na walang sawa sa pagbibigay serbisyo’t liwanag tuwing Kapaskuhan.

At sa pagwawakas ng kapanahunan ng Kapaskuhan ay nananatili pa rin ang makulay na pag-indak ng mga ilaw sa gabi– hindi pa rin lipas ang diwa ng pagmamahalan at pagbibigayan na siya ring itinatanghal sa Pamantasan.