‘Org Culture’ sa Pamantasan cover

‘Org Culture’ sa Pamantasan

Written by Dean Joseph Palapar • Board by Angelle Valbuena | 21 November 23

Kalakip na sa isang unibersidad o kolehiyo ang pagkakaroon ng mga organisasyon. Bukod sa masidhing pagsusunog ng kilay at pagharap sa alon ng mga gawain sa klase, ay ang kagalakan ng mga mag-aaral na lumahok sa mga samahang magsisilbing kanilang palihan ng angking kahusayan. 

Nito lamang nakaraang buwan, opisyal na binigyang pagkilala ng Pamantasan ang 36 academic at 13 non-academic na mga organisasyon para sa kasalukuyang pang akademikong taon. At sa kabila ng kapanapanabik na mga aktibidad na kanilang handang ihain sa mga Haribon, ay ang pagsilip ng kuryosidad na alamin ano nga ba ang kalagayan ng ‘org culture’ sa Pamantasan? Na kung susuriin, ay may malaking implikasyon sa kultura ng mga mag-aaral ng PLM.      

Panday ng Kahusayan

Tanda ang pagsali sa mga organisasyon bilang likas na kagustuhan ng mag-aaral na palawigin ang kaalaman  at gamitin ang mga matututuhan sa labas ng apat na sulok ng silid-aralan. Para kay James Clarence Albano, miyembro ng higit sa isang organisasyon sa Pamantasan, ang mga ito ay nagsisilbing alternatibong pinagmumulan ng makabagong kabatiran ng anumang larangan. Higit din sa paglinang na pinapangako ng mga organisasyon ay ang kolektibong paghubog sa mga miyembro na siyang nagpapatibay ng kahusayan.

“It’s meaningful kasi, you will meet people. People na will mold your perspective. [Palagi] tayong may matututunan on different people,” saad ni Albano.

Ito’y nagsisilbing patunay na ang kahusayan ng bawat Haribon ay hindi lamang nasusukat sa mga metrong akma sa edukasyong pang-akademiko. Malawak ang potensyal ng mga orgs sa pagpukaw ng interes at hangarin ng isa o grupo ng mga mag-aaral na makatulong, makibahagi at makapag-ambag sa komunidad nang naaayon sa kanilang makakaya. Katatagpuan ng mag-aaral ang komunidad sa mga orgs bilang mga paunang lipunang maaari niyang pagsilbihan.

“Sa mga organizations, nagkakaroon ka ng responsibility. Na-ho-hone doon ‘yung pagkakaroon mo ng initiative na to help to and to serve—to have a sense of awareness din sa kapaligiran nila, hindi lang sa loob ng Pamantasan kundi maging sa labas; sa panlipunan natin in general.” saad ni Ea Nazal, Executive President ng PLM Children’s Rights Advocates League (CRAdLe).

Paglinang ng Kabuuang Pamantasan

Maaaring maituring na isang makulay na hibla ang komunidad ng mga organisasyon sa Pamantasan. Mula sa mga samahan ng mag-aaral na tumatalakay sa kalaliman ng kanilang kurso; sa mga katuwang ng mga lider-estudyante; hanggang sa mga nagsusulong ng kolektibong interes at adbokasiya ng masang estudyante. 

Hindi lamang nalilimita sa kung saan ang mga ito nakatuon. Higit pa sa mismong pagpapabilang sa mga organisasyon ay ang pagkilala ng bawat miyembro sa kanilang kolektibong kapangyarihan at kapasidad na umalpas at makapagdulot ng makabuluhang pagbabagong nakaayon sa isyung pangkampus at pambansa. 

Matatandaang umani ng puri ang PLM noong nakaraang taon mula sa pag-implementa ng Pamantasan Administrative Order No. 21-ACA s. 2022 o ang Uniform and Dress Code Policy kung saan nagkaroon ng pagkilala ng karapatan ng bawat Haribon sa kasuotang naaayon sa kanilang pagkakakilanlan ng kanilang kasarian sa loob ng Pamantasan. Bagay na naisakatuparan sa pamamagitan ng pagdulog ng kolektibong panawagan ng PLM Propaganda, ng nakaraang konseho, at ng mga kasaping organisasyon.

“Finally na-recognize ni PLM yung gender expression and identity ng LGBTQIA+ community sa Pamantasan. After 55 years, another breakthrough ito sa history of PLM, and since nabalita ito, even non-haribons were inspired sa ganitong klase ng inclusivity and progressiveness which made the Pamantasan an even more progressive and inclusive environment.” saad ni Gella Aboratigue, Vice President for Internal Affairs ng Santelmo Arts.

Ilan lang din sa mga patunay nitong kapasidad ay ang mga simpleng paglalabas ng official statements upang magbigay suporta o paninindigan, at pagbubuo ng mga bagong organisasyon sa gitna ng pandemya. Manipestasyon ito ng kakayahang magtaguyod ng pagkakaisang pananaw, at makapagbigay ng pangkalahatang representasyon sa kapwa mag-aaral.

Mga Hamon na Kinahaharap

Bagaman maraming organisasyon sa Pamantasan, hindi maitatanggi ang mga hadlang at suliraning kinahaharap sa aspekto ng proseso sa operasyon, sa pagtawid sa mga miyembro, at maging sa pagpapatuloy ng pagsulong ng adbokasiya. Higit pa ang hamon na makamit ang tunay na kasaganahan ng ‘org culture’ ng Pamantasan na siyang nakasalalay sa kung paano nga ba ganap na naipamamalas ang layuning makapagsilbi ng organisasyon at kung lubos itong nararamdaman ng mga mag-aaral. 

Para kay Madie Retiro, Supremo ng PLM Propaganda, mainam na mapalawig pa ang malalim na implikasyon ng mga organisasyon at mga aktibidad nito sa lipunan. Ang pangkalahatang organisasyon ay may kapasidad na magtaguyod ng karapatan at kapakanan ng bawat mag-aaral sa pamamagitan ng pagtuon sa pagkakaisang diwa ng bawat maka-estudyanteng adbokasiya datapwa’t anyo’y magkakaiba.

“Dapat we always ask yung capacity or yung outcome ng mga nangyayari du’n sa mga events na iniispearhead natin. It is very important na ibahin din natin yung organization culture kasi it starts with us eh. It’s very important na if it starts with us, dapat yung ginagawa natin ay [makatutulong] sa welfare at sa buong studentry natin.” 

Mahalagang maipamalas ang prinsipyo ng organisasyon at ang malaking gampanin sa pagpapatuloy nito, mula sa mga kawani at mga programang inilalahad, upang mapunan ang siwang sa mga miyembro at makamit ang laganap na pakikilahok sa komunidad. 

“It revolves around [the] activities nga na binibigay mo sa students, na dapat relevant siya na hindi lang basta-basta. Dapat na-aabsorb ng students yung benefits and ‘yung essence or “yung importance. Important ‘yun, na iniinstill mo rin sa students [kung] gaano kalaki yung importance nila, as a member,” ayon naman kay Shane Cuevas, Executive President ng PLM Psychological Society.

“Kung ano man ‘yung prinsipyo ng organizations, kailangan ito ‘yung patuloy na maipamuhay namin, and it helps din kasi na ma-encourage yung mga members to join. Kasi paano nga naman mag-jojoin ang mga members kung mismong officers nakikita nila na hindi naman nag rereflect sa kanila ‘yung org?” saad naman ni Nazal.

Sa kabilang dako, mahalagang salik din ang pagkakaroon ng mas matibay na pagkilala at suporta mula sa administrasyon ng Pamantasan. Mainam na higit pang mabigyang-pansin ang mga panawagan ng mga estudyante at miyembrong nasasakupan ng organisasyon, mapabilis ang proseso sa paglunsad ng proyekto at mga adbokasiya, at makapagbigay-halaga sa papel ng mga organisasyon sa mga napapanahong usaping sangkot ang mag-aaral at kabuuang Pamantasan.

“[Makatutulong] ang University natin or ibang universities sa kanilang mga organization by being open to what their students really want to push. Kumbaga hindi lang naman kasi gumagawa ng events ang mga organization just because they want something na maipakita. Lahat ‘yun may katuturan sa likod. So I guess, sana makita; sana mas maging bukas pa”, saad ni Albano. 

Para kay Aboratigue, malaking tulong din ang pagkakaroon ng karagdagang espasyo para sa mga mag-aaral upang makapagpulong, at mga aktibidad na magpapalaganap pa ng kanilang presensya sa mga estudyante sa Pamantasan.

“The only way to make the rich org culture maintain its richness is [ma]pakinggan tayo sa mga concerns ng organizations. Also since napakaraming orgs sa PLM, I think it’s better if magkakaroon tayo ng ‘organization week’ na hindi lang puro selling yung mangyayari,” saad ni Aboratigue.

Ang pagtamasa sa mayabong na ‘org culture’ sa Pamantasan ay larawan ng pagkakaroon ng mayamang kultura ng kaisipan at ganap na pagkilala sa akademikong kalayaan ng mga mag-aaral. Bagay na siyang magpapawari sa kanila ng kakayahang magsilbi bilang mga pangunahing instrumentong magdadala sa Pamantasan sa hinaharap.  

Ang mga naisulong na maka-estudyanteng hakbang ng mga organisasyon ay siyang patunay ng kanilang taglay na malawak na kakayahan—kapangyarihang magtaguyod ng kapakanan ng mga estudyante ng Pamantasan. 

Ang kultura sa mga organisasyon ay salamin sa kultura ng kabuuang sistema ng paaralan. Kinakailangan na patuloy sikapin at ipaglaban na maabot ng bawat Haribon at organisasyon ang ganap nilang pagkakakilanlan, para sa patuloy na pagpapabuti ng buong komunidad, mula at para sa bawat mag-aaral ng Pamantasan.