Lotto sa Kolehiyo cover

Lotto sa Kolehiyo

Written by Estelle Theresa Gulay • Board by Mary Joy Cerniaz | 12 February 24

Uno, dos.. nanlumo na lamang matapos masulyapan ang tres sa CRS. Bagama’t ninakawan ng ilang gabi’t idlip; ng oras ng pagkain; mga araw na dapat ay para sa pamilya; sa pahinga, ay hindi pa rin pinalad sa gradong inasam na makamit.

At ang isip na puno ng katanungan ay pumewersang lumapit sa maestrong nagkait ng karapatang makita ang marka bago opisyal na italaga. Nanlambot sa yamot, pagtataka’t lungkot nang makatanggap ng kasagutang sa aki’y nagdamot ng kalinawan ng isipan. Sapagka’t sambit ang paninindigan na wala nang magagawa; payong tanggapin ang gradong binansagang nakalkula ngunit walang ebidensya; at pampalubag-loob na katagang hindi nasusukat ng numerong itinalaga ang tagumpay sa hinaharap na paglalakbay.

Subalit ‘di maalis ang bigat sa damdamin datapwa’t ang gradong natamasa na hindi naman sumasalamin sa pagsisikap na ginawa– na hindi ko alam saan hinulma– ang siyang pumawi ng pangarap na matawag na unang cum laude ng pamilya. Batid ko na higit pa ang sa aki’y nararapat na kahihitnatnan sapagka’t ako’y nagpunyagi– nagbuhos ng luha at pawis! Ngunit ang pinakamasakit? Ang realidad na naubos ang sarili sa kurso na tinanggihan ng karampatang pagtuturo; ng aral na nararapat na ibahagi ng propesor na pinagkatiwalaan ng Pamantasan.

Muli na naman yata akong hinampas ng sinasabi nilang realidad na kolehiyo ay minsa’y laro ng lotto. Kung gayo’y hiling ko sa pagpasok sa panghuling semestro ay nawa’y tumama ang numero ng aking tadhana. Makatamasa ng jackpot– hindi, uno sa CRS ngunit isang maestrong magbibigay ng sa akin ay karapat-dapat. Propesor na maghahandog ng panghabambuhay na kaalaman; na sa akin ay huhulma bilang mabuti’t maasahang mamamayan. Siyang p’wedeng maging kaibigan, kung ‘di pangalawang magulang; siyang bukal ang kalooban na luminang ng kaalaman ng mga estudyanteng sa kaniya’y inatas pangasiwaan; siyang kaagapay sa pangarap ko at sa pinanghahawakang pag-asa ng mga kabataan.