Isang Uyayi sa Maingay na Mundo cover

Isang Uyayi sa Maingay na Mundo

Written by Jan Rennie Abat • Board by Junnine Tupaz | 19 February 24

Sa mundo ng ligalig, ang mahalin ka ay isang uyayi.

Paulit-ulit akong sumusulyap sa iyong mga mata. Puno ng buhay. Puno ng saya. Mistulang nawawala ang ingay ng mundo at nababawasan ang pangamba sa tuwing ikaw ay nasa tabi. At wala mang kasiguraduhan ang hinaharap, sa atin ay ako’y tiyak. 

Ganito pala ang pakiramdam ng magmahal– gugustuhing ika’y makapiling sa bawat paraan at pagkakataong makakaya. Ikaw ay haharanahin sa'yong paboritong awitin. Ikaw ay susulatan ng liham kung saan ibubuhos sa bawat letra ang damdamin.

"Hindi ba't naikwento mo noon?" ang bungad ko kapag ibibigay na ang inihandog na regalo para sa'yo. Sa isang oras nating magkasama ay hindi halata ang pagod sa tatlong oras na ibiniyahe mo patungong Intramuros.

Ikaw ay bibisita dala-dala ang kape at sorbetes sa mga araw na tila hindi ko na kaya ang bigat ng mga gawain sa Pamantasan. Unti-unti ay mapapapikit. Makararamdam ng antok dahil pahinga ang makasama ka.

Ganito pala ang pakiramdam ng mahalin– hawak-kamay na lalabas upang maghapunan at sa paglakad sa kalsada ng napapaderang lungsod ay ako lagi ang nasa tagiliran. Hindi ba’t kay sarap magmahal lalo na kapag nasusuklian? 

At sa kabila ng hindi perpektong pag-ibig— ng mga araw na may hindi pagkakaintindihan at pagtatampuhan; ng mga pagtatalo na nauuwi rin sa suyuan ay mapagtatantong  higit na nananaig ang kagustuhang unawain ang isa't-isa— ang ating pagmamahalan.

Dahil sa dami ng nangyayari, ang ating pagmamahalan ay isang himig na nagpapakalma sa akin. Tila isang uyayi sa bawat araw na dadaan.  At sa mga dadating na Bagong Taon, Araw ng mga Puso, at ano mang okasyon— ikaw at ikaw ang pipiliin.