Pasilyo cover

Sa Mga Pasilyo ng Maunlad na Sining sa Pamantasan

Written by Jamilla Marie Matias • Board by Arjay Samson | 28 February 24

Sa bawat haplos ng krayola’t lapis sa papel, sa pag-indak ng katawan lulan ang mga lirikong inaawit, sa mga tugma ng mga tulang binabanggit ng mga makatang may hatid sa tenga’t kaluluwa ng rikit, at sa bawat pag-iyak at pagtawa ng madla sa pinilakang-tabing buhat ng drama’t komedya, hindi maikakaila ang taglay na karilagang handog ng sining.

Kalakip na marahil nang mabuhay ang sining— katuwang sa pagpapanday ng mga natatanging kakayahan at talento ng isang indibidwal. May tunguhin itong magpalaya, magpahayag, magbahagi, at makibahagi  sa pagpapaunlad at pagpapanatili ng mayabong na kasaysayan ng mga kultura’t tradisyon ng lipunan. 

Bunsod nito, inilaan ang buwan ng Pebrero hindi lamang upang bigyang pansin ang araw ng mga puso bagkus upang gunitain din ang pambansang sining at bigyang pugay ang mga tagapagtaguyod nito. 

Alab ng Kolektibong Mithiin

Sa Pamantasan, hitik sa kulay ang pagsasabuhay ng sining, sumibol man ang pagdiriwang na ito o hindi. Patunay dito ang mga organisasyong nagtataguyod at gumagabay sa mga artistikong kaisipan ng mga Haribon katulad na lamang ng Magwayen Creative Scholars’ Guild (MCSG) na tanyag sa pagsulong ng isang masining na pamantasan. Mula sa kolektibong pagsisikap na pagsamahin ang mga malikhaing imahinasyon ng mga miyembro, sa harap man o sa likod ng telon, binuhat nito sa hagway ng tagumpay ang bawat pagtatanghal na may mithiing imulat ang mga manonood sa reyalidad ng kasalukuyan. 

Kagaya ng pagnanais ni Janelle Chryslene Tieng, Presidente ng Magwayen, naitatag ang naturang organisasyon sa hangaring pagbuklurin ang mga estudyanteng may interes at pagnanais na pasukin ang mundo ng teatro sa loob ng eskwelahan.

Aniya, buhat ng pakikisalamuha sa ibang tao gamit ang lenggwahe ng sining, mas lalo umano siyang namulat sa kalagayan at estado ng lipunang kanyang ginagalawan. Dagdag pa niya, ang sining rin ang naging dahilan kung bakit mas higit pang umigting ang taglay niyang kumpiyansa at pagmamahal sa kanyang sarili.  “Sobrang laki ng impact ng sining sa buhay ko, in all its different shapes or forms. Para bang in every step of my life, sining talaga ang umaagapay sa akin. Medyo OA man pakinggan, pero hindi ako magiging ako kung wala ang sining sa buhay ko,” saad pa ni Tieng. 

Sa kabilang dako, ang pagiging sagisag ng nag-aalab na pag-ibig sa sining ng mga iskolar ng bayan ang siyang isinasadiwa ng Santelmo Arts. Kaya naman dito’y naitatampok ng mga estudyante ang kanilang mga katha’t obra sa istilo man ng pagguhit, pagkanta, at pagsulat ng mga tula at nobela. Binubuo ng tatlong kolektibo– biswal, musika, at pampanitikan, misyon nitong bigyang tahanan ang mga mag-aaral na may adhikaing makibahagi sa pagpapanatili ng matingkad na sining sa Pamantasan. 

Pagbabahagi ni Anthony Acoba, Collective Head ng Santelmo Arts, sumali siya sa naturang organisasyon dahil alam niyang nakahanay ang kanyang hilig dito. Ikinuwento niya rin na sa halos isang dekadang pagtugtog, ang mga himig ng musika ang naging kasangga niya sa buhay at bukas palad na nagbigay ng mga oportunidad na nakatulong sa kanya higit lalo sa pinansyal na aspeto. 

Malugod din niyang inilahad na sa darating na Marso, bahagi siya sa magbabandera ng Pilipinas sa isang kultural na pagtatanghal na gaganapin sa Thailand. “Super excited ako since ito yung unang pagkakataon na makakapag-perform ako sa labas ng bansa. Mayabong ang kultura ng Pilipinas at masaya ako na maibabahagi ko ito sa ibang bansa, at makita ko rin ang  kulturang meron sila at matuto rin mula rito,” wika ni Acoba.

Sa pag-indayog naman nailalathala ng PLM Iskolars Dance Incorporated (PIDI) ang kanilang masidhing damdaming itindig ang bandera ng mga mananayaw na kamakailan lamang ay nagbigay pugay sa paaralan. 

Ibinahagi ni Donald Ritaga, in-house member ng PIDI, na marahil ang pagsasayaw ang naging dahilan kung bakit mas naging madali sa kanyang ihayag ang sarili na naging susi tungo sa pag-unlad hindi lamang ng kanyang talento bagkus pati na rin ng kanyang pagkatao. 

Inilahad niya rin ang kahalagahan ng patnubay ng kanilang mga tagapagturo na siyang naging dahilan ng mga tagumpay na kanilang natamo. “Sobrang grateful ako kanila coach Dhz and Ren dahil without them, isko wouldn’t be isko. Gagawin nila best nila to help you improve and that gives us the push to strive harder na sumayaw nang sumayaw,” saad ni Ritaga. 

Aral na Handog ng Sining

Bagama’t hitik sa talento at kahusayan ang komunidad ng mga Haribon, hindi pa rin maiwawaglit ang mga katahimikang minsa’y bumabalot sa mga pasilyong patuloy na humuhubog sa angking galing ng mga kabataang nagpupunyagi. Bakas nito ang pagod, hirap, at kaliwa’t kanang suliraning kinakaharap upang bigyang hustisya ang bawat pag-akyat sa entablado para gumiling, bumirit, at iguhit ang pagnanasang ipagmalaki ang sarili at ang sintang Pamantasan. 

At sa kabila ng mga dagok na dumarating; sa pagkalkula man ng oras o sa pananalapi, ang mga alagad ng sining kung ituring ay kailanman hindi magagapi. Ito’y tanda ng ginintuang aral na handog ng sining sa pagtanggap, pag-unawa, at pagkakaisa upang tupdin ang iisang layunin— magtanghal at itanghal. 

Hindi maitatatwa ang karikitang ambag ng sining sa pagbuo ng isang progresibong eskwelahan. Tulay ito upang sama-samang isadiwa ang mapagpalaya at ingklusibong komunidad ng lipunan. Kaya naman, pagpupugay sa mga isko at iska sa patuloy na pag-aalab ng pusong lumikha ng sining, lagi't lagi para sa sining at sa Inang Bayan.